Ligaw na Dagitab

na ang nadadagitab ng blog na ito simula noong naglagay ako ng hit counter dito.

ang lahat ng mga nakasaad sa weblog na ito ay mga pananaw lamang ng may-akda at hindi pinananagutan ng pitas.com. subalit pinahihintulutan ang pagmumudmod, pamimigay, at pamamahagi ng mga akdang nasasapaloob ng websayt na ito. mangyari lamang na humingi ng permiso sa may-akda.

karapatang-ari (c) 2003 jonar sabilano, ligaw na dagitab society,
at tau rho go records worldwide.

mga kahanay

[midnight run] ni rico
[taglish] ni deyeypee
[he said, she said] ni porkysweety
[meanness] ni me-an
[crazy/beautiful/crazy] ni jik
[langaw sa isang basong gatas] ni kapi
[pikitbulag] ni pao
[bloodsugar] ni pj
[adobong atay] ni nikko t.
[patatas project] ni mitzie
[kalye kundiman] ni egay
[ellipses and parentheses]
ni naya
[si yol nga!] ni yol
[dreaming of shutters] ni jilly
[anchor-hold] ni jeanie
[pebbles and sex] ni nikko v.
[abo sa dila] ni mikael
[beyond the sunrise] ni maita
[aldine] ni aldine
[bee's life] ni glen
[haraya] ni jun
[pael] ni pael

mga sympathizer

[
matanglawin]
[philippine collegian]
[plaridel papers]
[friends choir]
[ateneo de manila]
[philippine science hs]
[iateneo]
[bulatlat]
[pisay '99]
[heights]
[inq7]
[newsbreak]
[bayan muna]
[edward said]
[pinoywriters]
[pitas.com]

Si Jonar?
 
Laging napapaaway sa mga mindless.
Adik sa tatlong "T": tugtog, tulog, tik*l.
Mahilig gumala.
Makatang hindi sumusulat ng "tula."
Pariwarang grupmeyt.
Minsang nakipaghamon ng suntukan, pero nahulog sa kanal.
MIS major na hindi marunong mag-program.
Mahilig sa mga bagay na bilog at tumatalbog.
Tapat na kainuman.
Suki ng kapihan.
Lumalaban sa kamangmangan.
Walang tulugan.
Kailangan pa bang i-memorize 'yan?
Name

URL or Email

Messages(smilies)

 

 

Anibersaryo ng mga kung-anu-ano

SA RIMARIM ng takbo ng buhay ko ngayon, hindi ko napansing lumipas na pala ang ikalawang linggo ng Marso. Noong nakaraang taon kasi, madaming nangyari sa linggong iyon – International Women’s Day, ang unang debut na dinaluhan ko, ang pagsalakay ng mga puwersang Kano sa Iraq, at kung anu-ano pa.

Una, ang International Women’s Day:

Kung tutuusin, maliit lang ang kaugnayan ng araw na iyon sa buhay ko noong nakaraang taon. Oo nga’t peminista ang nanay ko (sumalangit nawa siya) at tinuruan akong galangin ang kababaihan noong bata ako, pero hindi iyon ang central event ng buhay ko. Ganito kasi: Noong mga araw na iyon, may pinopormahan akong estudyante mula sa isang unibersidad na malapit sa Ateneo. Highly-recommended siya ng kaibigan kong nagpakilala sa amin sa isa’t isa. Peminista rin siya, dating manunulat sa pahayagang mag-aaral sa eskuwela niya, may pagkiling sa pulitikang progresibo, at higit sa lahat, siya ang tipo ng babaeng gusto kong iuwi sa bahay at ipakilala sa erpat kong pihikan sa hitsura ng mga karelasyon ng mga anak niya. Sa maikling sabi, Binibining Perpekto.

Noong Biyernes na iyon, niyaya ko siyang manood ng dula kung saan gumanap ang kaibigan ko. Pagkatapos niyon, kumain kami sa labas: ako, siya, isang kaibigan niyang may dinadalang bigat sa puso, at si Oshti, kapwa kong manunulat ng Matanglawin. Dahil wala akong pera noon, umutang muna ako kay Oshti. Nagyaya si Binibining Perpekto na manood ng isang konsiyerto sa eskuwela nila; isang pagdiriwang ng International Women’s Day. Siyempre, kumagat ako. Kasama ko pa rin ang dalawa. Nasa kotse kami ni Oshti. Pagkatapos ng konsiyerto, hinatid muna kami ni Oshti – ako at ang kaibigan ni Bb. Perpekto. Dahil magkakapitbahay lang sina Oshti at si Bb. Perpekto, sabay na silang umuwi.

Kinabukasan, ka-text ko siya. Sabi niya, masaya raw siya; may nagbigay sa kanya ng mga papel na rosas na kulay lavender. Dahil may hihiramin ako kay Oshti noong gabing iyon, napag-isipan kong sorpresahin si Bb. Perpekto. Dumaan ako sa palengke at bumili ng mga lilang bulaklak. Hindi ko na maalala kung anong klaseng bulaklak, basta hindi rosas. Wala kasi akong pera noon. Hinatid ako ni Kuya kina Oshti. Dahil manggagaling sa eskuwela si Bb. Perpekto, nag-abang muna ako sa loob ng kotse naming nakaparada sa tapat ng dormitoryo niya. Pagdating niya, lumabas ako sa kotse at binigay ang mga bulaklak. Pormadong-pormado ako noon dahil papunta ako sa debut ng unang kaibigan kong nagkumbida sa akin. Sabi nga ni Oshti, mukha raw akong konggresman.

Halos apat na araw rin ang lumipas. Noong semestreng iyon, nag-cross-enroll si Kapi sa eskuwela ni Bb. Perpekto, at magkaklase sila. Noong Huwebes na iyon, nag-text sa akin si Kapi: BREAKING NEWS: Life goes on. Nagtaka ako sa mensaheng iyon: bakit, ‘kako? Sagot ni Kapi: ikukuwento niya pagdating sa Ateneo.

Noong mga araw na iyon, nililigawan si Bb. Perpekto ng punong patnugot ng isang pahayagang mag-aaral na kilala sa pagiging konserbatibo at anti-aktibista. Akala ko, sila na. Nagulat na lang ako nang narinig ko ang balita mula kay Kapi: “Jonar, hindi raw siya interesado sa iyo. Gusto raw niya ng independent.”

Nagunaw ang mundo ko noong hapong iyon. Ako, hindi independent? Paano nangyari iyon? Madaling-araw na ako nakauwi noong Sabado, ah. Dahil ba nangutang ako kay Oshti? Ewan ko. Hanggang ngayon, hindi ko pa nahuhulaan ang sagot.

Simula noon, nawalan na kami ng contact sa isa’t isa. Oo nga’t nagtetext kami, pero hanggang “kumusta” na lang kami. Nakalulungkot, lalo na ngayong natikman ko na kung paano kumayod para sa sariling panggastos. Sabi nga ng kaibigan kong nagpakilala kay Bb. Perpekto, patunayan ko raw na mali ang ginawa ng kaibigan niya, na independent na nga ako. Independent. Baw.

At oo nga pala, kailangan ko pa ring gumising mamayang alas-kuwatro ng madaling-araw para magplantsa ng pantalon ni Erpats.


ANIBERSARYO RIN pala ng pagsalakay ng Estados Unidos sa Iraq. Nasa bahay ako noong napanood ko sa CNN: lumusob na ang ground forces sa bayan ng Mazar-e-Sharif at iwinagayway na ang watawat ng Estados Unidos sa katwirang may nakatagong weapons of mass destruction doon. Noong mga araw na iyon, nagrarali kami laban sa pagsalakay sa Iraq at sa suportang ibinigay ng pamahalaang Arroyo sa digmaang iyon. Sa katunayan, pumunta pa kami sa Plaza Miranda at nilusob ang Embahada ng E.U. noong Pebrero ng nakaraang taon. Frontliner kami, ‘ika nga ni Nunuy: kami mismo ang nakaharap sa mga riot police habang hawak namin ang bandila ng KMU na hindi ko alam kung paano napunta sa mga kamay ko. Sa Ateneo, nagsimula na rin kaming mag-organisa ng mga kilos-protesta. Kasama namin ang mga mag-aaral ng Miriam at U.P. Kahit inuulan na kami, tuloy pa rin ang laban.

Wala ring nagawa ang mga sigaw ng kabataan: tuloy ang pagsalakay.

Pero wala ring nakita ang mga Amerikano sa Iraq kundi mga maliliit na baril na dala ng iilang miyembro ng maliliit na armadong grupo. Nahuli nga nila si Saddam Hussein, pero walang mga bombang nukleyar at sandatang kemikal at biyolohikal.

Ang panalo? Ang Estados Unidos at ang mga malalaking kapitalistang makikinabang sa negosyo ng digmaan. Ngunit sinu-sino nga ba sila?

Una, ang mga gumagawa ng mga sandata, eroplano, tangke, barko, bomba, at iba pang parapernalyang pandigmaan. Kasama na rito ang mga kumpanyang katulad ng Hughes Aircraft, Lockheed, atbp.

Pangalawa, ang mga negosyante sa langis. Kilala ang Iraq bilang ika-2 na pinakamalaking prodyuser ng langis sa daigdig. May mga nagsasabing inuunti-unti ng Estados Unidos at ng mga kaalyado nitong bansa tulad ng Britanya ang pagsakop sa mga rouge states na (kahina-hinala) ay nasa Gitnang-Silangan lahat: Una ang Afghanistan, sunod ang Iraq. Baka mamaya, salakayin na rin nila ang Iran para kumpleto na ang pipeline ng langis papuntang India. Kabilang dito ang Exxon, Chevron, Conoco at iba pa. At ang kaduda-duda rito’y si George W. Bush ay isa palang dating direktor sa isang kumpanya ng langis.

Ikatlo, ang mga kontraktor na mag-“aayos” sa imprastruktura ng Iraq na nawasak noong 1991 at noong nakaraang taon. Kasama rito ang Bechtel, atbp.

Nangako ang Estados Unidos na kasama ang Pilipinas sa mga bansang makatatanggap ng suportang militar sa digmaan laban sa terorismo. Sana man lang, maisip ng pamahalaang Arroyo na ang sinusuportahan nila ay ang TUNAY na terorista.


NAPANOOD KO noong isang araw ang mga footage mula sa Madrid: May mga sumabog na bomba sa tatlong istasyon ng tren. Higit sa dalawang daan ang namatay sa mga pagsabog, kabilang ang isang Pilipino. Hindi pa alam ng Guardia Civil kung sino ang may sala sa mga pagsabog. Dalawa ang pinaghihinalaan nila: Una, ang ETA, isang grupo ng mga etnikong Basque na naghahangad ng kalayaan para sa lupain nilang bulubundukin. Ikalawa, isang grupo ng mga teroristang Muslim.

Sinuman ang may sala, sinisisi ng mga Kastila ang gobyerno nila sa mga pangyayari. ‘Ika nila, kung hindi sinuportahan ng gobyerno ang pagsalakay ng Estados Unidos sa Iraq, hindi sana sumabog ang mga tren sa Madrid. Bunga nito’y natalo ang Partido Popular ng Punong Ministro nilang si Jose Maria Aznar sa halalan noong Linggo. Ang nanalo’y isang partidong hindi ko na maalala ang pangalan, ngunit kilala sa pagiging maka-Kaliwa nito.

Bumalik agad sa Pilipinas ang isip ko: Kailangan ba natin ng isa pang pambobomba sa LRT upang makita ng mga tao na ang mga terorista’y hindi talaga galing sa labas ng Pilipinas, kundi galing sa mismong gobyerno nito? Ilang Gumanoy at Garcellana pa ba ang kailangang paslangin sa Mindoro upang mamulat tayo sa mga paglabag sa karapatang pantao ng ating mga kababayan?

Habang naiipon ang galit ng taumbayan, tiyak ako: higit sa malakas na pagsabog ang masasaksihan ng bayan nating sawi. At wala nang ibang masisisi kundi ang mga tunay na salarin.

Miyerkules, ika-17 ng Marso 2004
02:12 n.h. noong huling na-dagitab si Jonar.
 
Tawag ng Tahimik

Dalawang gabi nang natutulog dito sa bahay ang mga lumpenproletariat na barkada ni Kuya. Nasa Baguio kasi si Tatay kaya malakas ang loob ni Kuya na magpainom at magpatulog dito. Bilang resulta nito, hindi na naayos ang bahay. Laging magulo. Paggising ko kanina, nakita kong madumi ang center table sa sala. May nag-iwan ng Chippy doon, at may nakakalat pang upos ng yosi sa malagkit na ibabaw ng mesa. Hindi ko na ginalaw; baka magalit pa sila. Dito sa bahay, sila ang nasusunod kapag nandito sila. Malaking dahilan iyon kaya hindi ako nakakapag-update kay Dagitab.

Tungkol nga pala sa mga update: Tinawagan ko noong Miyerkules si D. Hindi ko alam kung bakit, pero buong araw ako tumatawag sa kanya. Siguro, dahil batong-bato ako sa bahay at naghahanap ng mapagbubuhusan ng sama ng loob. Hapon na siya dumating; kagagaling lang niya sa pag-o-overnight sa bahay ng kaibigan niya sa Cubao. Matagal-tagal rin ang pag-uusap namin – dalawang oras siguro. Sabi ko sa kanya, “Magkita tayo bukas. We have a lot of catching up to do.” Apat na buwan ko na kasi siyang hindi nakikita.

Kaya kahapon, nagkita kami sa eskuwela niya. Nagrereklamo siya: “Ang init naman!” Sagot ko, “Sige, doon tayo sa Ateneo, sa opisina namin. Aircon doon.” Pumayag naman siya. Nakasalubong namin ang isang kaibigan niyang lalaki. Tanong ng kaibigan niya, “Saan kayo papunta?” (Obviously, hindi ako kilala ng kaibigan niya, at lalong hindi alam ang nakaraan namin). Sagot ni D.: “Sa Ateneo. Yuck!”

Sabi ko na lang sa sarili: “Diyos ko po, dautin ba naman ang eskuwela ko. Siya kaya ang mag-suggest ng mapupuntahan, ano?”

Pero sige, nagtimpi lang ako. Sinusubukan ko siyang kausapin, pero tahimik lang talaga siya habang nasa Ateneo kami. Tila malalim ang iniisip niya. Ayaw ko na sanang mag-istorbo. Hindi ko kasi alam kung ano’ng mayroon sa akin at bigla siyang natatameme. Nahahawa tuloy ako. Kaya, ayun, napa-yosi kami nang di oras. Tahimik pa rin siya. Mas natatakot ako sa tahimik kaysa maingay. At least alam mo kung ano ang saloobin ng maingay. Sa tahimik, mahirap manghula.

Hinatid ko siya sa eskuwela niya. Pagbaba namin sa dyip, inalok kong ihatid siya sa tambayan niya. Sabi niya, huwag na. Tumawid na lang siya at kumaway sa akin. Kumaway rin ako. Naglakad kami sa magkabilang tabingdaan. Apat na buwan ang inabangan ko, at higit pang tumibay ang paniniwala kong hindi ko pa nga siya kilala, at wala siyang balak na magpakilala pa nang higit pa sa nalalaman ko.

Naisip kong lahat ito habang nakasakay ako sa bus galing sa Makati noong gabing iyon. Noong umaga kasi, tumawag ang dati kong team leader sa call center. Nalipat na raw siya sa Makati galing Libis. May kailangan daw akong pirmahan nang matanggap ko na ang bonus ko. Alas-otso ng gabi ako umalis sa bahay. Alas-nuwebe y medya ako nakarating sa Ayala Avenue. Alas-diyes ang usapan namin ng TL ko. Nag-abang lang ako. Hindi talaga maiwasan ang pag-iisip habang nag-aabang, katulad din ng pag-iisip habang inaabangan ko si D. noong hapong iyon. Iba’t iba ang naiisip ko: Kilala pa ba niya ako? Ano kaya ang sasabihin niya? Ano kaya ang sasabihin ko? May sasabihin nga ba ako, o puro hinanakit lang ba ang lalabas sa mga bibig namin? Habang nag-aabang ako sa TL ko, si D. pa rin ang iniisip ko: Tama bang nagkita kami? Bakit siya laging tahimik tuwing kasama ako? Lagi siyang tahimik, mehn. Ano ang nagawa kong mali sa kanya’t may invisible na humahadlang sa amin?

Hindi ko alam kung paano ako magsisimulang humagilap ng sagot sa mga tanong. Baka mamaya, tanong ulit ang maging bunga ng pagninilay ko.

Pagdating sa Fairview, dumiretso ako sa Read and Brew. Nag-aabang doon si Bam. Pinag-usapan namin ang mga pangyayari noong araw na iyon. Sabi ni Bam sa akin, masyado akong umaasang may mangyayari, na may magbubukas ng bibig. Sabi ko, hindi naman siguro: makita ko lang si D., solb na ako. Hindi yata naniwala si Bam sa akin. At kung tutuusin, nahihirapan din akong maniwala sa mga sinasabi ng isipan ko. Mas maugong pa ang sinasabi ng puso ko. Isa nga lang ang problema: hindi ko ngayon makilala kung sino nga sa kanila ang nagsasalita. Sabi ng isa, iwan ko na si D. Sagot ng isa, huwag muna’t kailangan niya ng makikinig sa kaya. Hindi ko alam. Mahirap kasing makinig sa taong tahimik.

Nitong umaga lang, tinext ko siya: “Gising ka na ba?” Sagot niya: “Oo. Bakit?” Tumawag ako. Nasa banyo raw siya, sabi ni Tita. Nagtext siya ulit sa akin: “Bakit ka tumawag?” Sagot ko: “Wala lang. Nangungumusta lang.”

‘Tang inang mga “wala lang” ‘iyan.

Baka manahimik na rin muna ako. Hindi na kasi ako tiyak sa mga nasasabi ko ngayon.

----------------------------------------------------------------------------------------------------------------------

COMIC RELIEF LANG:
Q. Ano ang magiging resulta kung ipagsama mo si Jimmy Bondoc at Paolo Santos?
A. Jimmy Santos.

Aaaaaah, kurneeee.

Biyernes, ika-12 ng Marso 2004
12:53 n.h. noong huling na-dagitab si Jonar.
 
Galing sa isang quiz...

Mula ito sa blog ni Naya:


You're Vietnam!
After years of muddling through on your own, you've finally repaired yourself to a point of respectability.  You would have been much better off had people you didn't like not kept insisting on spending so much time with you.  But those times are fading quickly and these days you're pretty sure you won't get burned.  Star power!
Take the Country Quiz at the Blue Pyramid

Talaga lang, ha. Akala ko, Pilipinas na ako. 'Yun pala, lupain ni Ho Chi Minh. Asteeg.

Tuesday, March 9, 2004
08:02 a.m. noong huling na-dagitab si Jonar.
 
Tambay sa kanto

Naikuwento ko na sa inyo siguro ang tungkol sa lugar kung saan madalas ako tumambay nitong mga nakaraang buwan. Tama, 'yung Read and Brew Coffee, sa likod ng simbahan, sa kanto ng Omega at Rado.

Kahapon, may inutos sa akin si Erpats. Pumunta akong City Hall. Pagkasakay ko sa dyip na biyaheng Fairview Dahlia, naisip kong dumaan mo; nagbabakasakali lang ako noong baka may makita akong gusto kong makita.

Pagbaba ko sa dyip, nilakad ko ang ilang daang metro mula FEU Hospital hanggang Read and Brew. Nakita kong nakaparada sa tapat ng Read and Brew ang Lite Ace ni Alex. 'Ba, sabi ko sa sarili, ang aga naman ng loko. Pagpasok ko, nakit kong nakaupo sa sulok si Alex at ang ang baBEE niyang si Glen. Binati ko sila, sabay diretso sa cashier kung nasaan nakatunganga lang si Bong, ang barista noong oras na iyon.

"Ano'ng balita?" tanong ko sa kanya.

"Wala naman," sagot niya.

Isa lang ang ibig sabihin ng ganoong sagot: hindi pa dumadaan ang gusto kong makita. Bumalik ako sa sulok. Tinanong ako ni Alex: "Bok, bakit ang aga mo?"

Sagot ko: "Wala lang. Nagbabakasakali lang. Baka makakita ako ng gusto kong makita."

GLEN: "Jonar, nag-uusap pa ba kayo?"
Patay.
Ganoong usapan pa naman ang iniiwasan ko. Matagal ko nang hindi nakakausap ang tinutukoy ni Glen. Sabi ko, busy kasi siya. May org na nga, may sorority pa. Sabi nga niya sa akin noong huling pag-uusap namin, "Alam mo, Jonar, para akong umakyat ng matarik na bundok para lang pumili ng batong ipupukpok ko sa ulo ko."

Mahaba-haba rin ang usapan namin ni Glen tungkol sa kaibigan niyang minahal ko. Mabuti nga lang at kailangan din niyang mag-aral para sa isang exam. Natapos ang usapan namin nang biglang dumagsa ang isang pulutong ng mga babaeng nakasuot ng uniporme ng haiskul nina Glen. Umuwi ako. Nandoon na pala si Tina. Nagluto si Kuya ng hapunan. Maagang dumating si Erpats. Sabay kaming naghapunan, bagay na bihira nang mangyari.

Natulog si Erpat. Naligo ako at dumiretso ulit sa Read and Brew. Isang oras din akong mag-isa noon. Palibhasa, lahat ng mga kasama ko sa Friends at mga kabatak sa ibang koro, nagpupulong sa simbahan. Habang binabasa ko ang librong Further Along the Road Less Traveled, inantok ako bigla. Naisipan ko tuloy na bumili na ng kape. Maya-maya'y dumating si Bong, isa sa mga kasama ko sa koro. Dahil tahimik lang siya, nagulat na lang ako nang bigla siyang nagtanong: "Tsong, pag-ibig ba kung hindi mo matanggal dito(sabay turo sa ulo) at dito (sabay turo sa dibdib)?"

Nakupo, sabi ko ulit sa sarili. Tila bagang nagkaisa ang lahat ng bagay noong araw na iyon upang ibalik si D. sa isipan ko. Pero dahil sinusubukan kong maging mabuting kaibigan, tuloy ang pag-uusap namin ni Bong.

Maya-maya, dumating na sina Bam at mga iba pang miyembro ng Cantors' Guild ng simbahan. Nalihis sa lovelife (or lack thereof) ang usapan. Sa wakas. Ngayon, napunta naman sa mga puna tungkol sa pagkanta. Nakita ko sina porkysweety at nangakong maglalagay ako ng link sa blog nila pagdating ko sa bahay. Ang problema'y alas-dos na ng madaling-araw ako nakauwi. Nakatulog agad ako. Alas-kuwatro ako nagising, at sa dahilang iyon, ngayon ko pa lang ilalagay ang link sa blog nila.

Pagpapaka-kanto boy. Baw.

Martes, ika-9 ng Marso 2004
05:58 n.u. noong huling na-dagitab si Jonar.
 
Bagong tula

may isda pala sa semento

nakakita ako ng isang ligaw na ayungin
sa tapat ng isang malaking bahay sa amin.
pumipisik-pisik pa. hindi ko alam kung saan nagmula:
nakalusot ba sa butas na plastik
na dala ng aleng galing sa palengke?
o kumawala ba ito mula sa banyerang
lulan ng trak papuntang talipapa?
pinagmasdan ko ang isda. nangingisay ito
habang unti-unting natutuyuan ang hasang.
naroon lang ako, natutulala
habang kinukuyog ng mga langaw
ang kawawang nilalang.
may paslit rin yatang nakakita:
pinulot niya ang ayungin
(hindi na nag-aksaya ng panahon
sa pag-amoy nito) at nilagay sa plastik,
habang kinakausap ang sarili:
wala pang limang minuto.
puwede pang iluto.


Lunes, ika-8 ng Marso 2004
03:11 n.u. noong huling na-dagitab si Jonar.
 
Muli't muli

Sa wakas, kaya ko na ring mag-blog nang madaling-araw.

Ganito: Maayos na ang PC ko. May extension phone na sa kuwarto. At higit sa lahat, maluwag na akong makakahinga. Sana.

Kuwento: Kanina, habang kumakain ako kasama ang mga kaibigan ko sa koro, nagkaroon kami ng kasunduan. Total abstinence sa lahat ng kamunduhan. Ang start time: hatinggabi. Kaya ngayon, wala iwas muna sa kahit anong may kinalaman kay manoy. Parang ang dali ngayong ilang buwan na rin akong hindi nakakatikim ng luto ng Diyos. Tutal, 22 araw lang naman iyon, hanggang mag-Domingo de Pascua lang. Ang parusa sa hindi tumupad sa usapan: hindi matutupad ang isang special prayer niya, at manlilibre siya ng isang round ng beer at pulutan sa isang MASAYANG lugar. Siyempre, pagkatapos na ng Mahal na Araw.

Sana, matupad ko ang napag-usapan.

Isa pang kuwento: may gumalaw kay Dagitab. May nag-post ng isang entry na pinamagatang "'Tang 'nang..." Ewan ko sa kanya kung ano ang pinagsususulat niya. Basta, hindi ako 'yun. At kung mahuli ko man siya, bahala na si Batman. Isasabit ko siya nang patiwarik mula sa ika-20 palapag ng Citibank Square.

Lunes, ika-8 ng Marso 2004
01:06 n.u. noong huling na-dagitab si Jonar.
 
Papalit-palit ang panahon

Hindi ko talaga maintindihan ang panahon.

Noong gabi ng Sabado, wala halos ulap. Pula ang takipsilim. Noong hapon ng Linggo, umambon. Hindi tuloy natuyo ang mga sampay ng utol ko. Kahapon naman, malakas na ulan ang bumati sa akin habang naglalakad ako papuntang Science Education Complex, kung saan may exam ako. Parang may tumatawag sa pangalan ko: "Jonar! Jonar!" Lumingon ako. Wala akong nakita.

Kahapon din, may nag-text sa akin: "Was that you? Ü"

May nag-dial kasi sa number niya gamit ang numerong ginagamit ko tuwing wala akong load. In short, number ni erpats. Bigla ko naalala: na-save ko pala ang numero niya sa phonebook ni erpats. Kailangan kong burahin.

Tinawagan ko siya. "Saan ka?"
"Sa San Juan."
"Ha? Akala ko kasi nasa Ateneo ka, e..."
"Ah, wala. May tumawag kasi sa akin gamit 'yung number ng erpat mo..."

Lesson Number One: Huwag sanayin ang sarili sa pagtawag sa kanya. Mauubos ang load ko. Mamimiss ko ang boses niya.

Lesson Number Two: Burahin na nang tuluyan ang numero niya sa phonebook ni erpats. Baka akalain niyang nasa bahay lang ako.

Ano nga ba ang patutunguhan ng blog entry na ito? Actually, parang wala. Katulad ng mga pagtawag ko sa kanya. Hindi sa walang patutunguhan, pero hindi ko lang alam ang kahahantungan ng mga ginagawa ko.

Ewan ko. Sanay akong lumarga nang sira ang isang headlight. Patawarin sana ako, pero hindi ko talaga alam.

Pabago-bago kasi ang panahon, e.

------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------

PLUGGING LANG: Magkakaroon ng isa pang open-mic / open jam sa Read and Brew Coffee, sa kanto ng Rado at Omega, sa West Fairview, sa darating na Sabado, ika-289 ng Pebrero. Magkita-kita tayo roon.

Kuwento tungkol sa mga paghahanda sa open jam: Tumambay ako sa Read and Brew kasama nina Deyeypee (na kakalabas lang ng ospital), ni Cheme, ni Roi, ni Alex, at ng iba pang taga-Friends Choir matapos ang misa noong Linggo. Kakuwentuhan ko si Erwin, ang isa sa mga barista doon. May lumapit sa counter: isang babaeng halatang laking-Isteytsayd.

Hirit ni Erwin: "So, are you going to the event this Saturday?"
BABAE: "Well, I don't know."
ERWIN: (Turo sa akin) "He's going to sing there."
BABAE: "That's nice." (Tingin sa akin) "So, are you gonna be like, the star?"
JONAR: "Um, I hope not... I'm not star matel... matel... MA-TE-RIAL." (Sabay tawa)

Putsa, madali palang mawala ang Missouri twang na itinuro sa amin sa call center. Tama na rin 'yun. Ayaw ko nang masanay sa graveyard shift. O kahit anong shift, for that matter.

------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------

Malamang na hindi na naman ako makapag-update sa linggong ito. Finals ko na. Todo na 'to. Kailangan pang i-memorize 'yan.

Martes, ika-24 ng Pebrero 2004
11:40 n.u. noong huling na-dagitab si Jonar.
 
Bakit at paano ako nawalan ng ulirat noong madaling-araw ng ika-15 ng Pebrero 2004

At paggising ko kaninang alas-kuwatro, masakit ang ulo ko; magaan ang bulsa ko.

Heto. Sabog na naman ako.

Maaga-agang yatang sumapit ang tag-araw ngayong taon. Kung dati'y malamig pa tuwing Pebrero, ngayon nama'y natutuyo agad ang mga sinampay kapag alas-nuwebe ng umaga. Napansin ko ring natutuyo na ang mga natitirang bermuda grass sa maliit naming hardin sa bahay. Ewan ko kung may tagas ang radiator o ano, pero madali ring mag-overheat ang tsikot ni erpat.

Paano ba naman kasi, wala na ring silbi ang lamig kung walang magpapainit sa mga magiginaw na gabing dulot nito.

Tatlong poetry reading / open mic ang dinaluhan ko sa nakaraang linggo: 1) ang One Night Stand ng Heights, kung saan binasa ko ang Sa mga gabi ni Pete Lacaba at ang aking Tsokolate; 2)ang Rubdob ng Matanglawin, kung saan binasa ko ang Sangandaan, Kay Dada, at Oktubre; at ang 3)ang Espresso Your Love sa Read and Brew, kung saan naging human videoke machine ako.

Isang common denominator sa tatlong happening: maraming magkarelasyon sa lahat. At akong nagtatanghal ng tula at awit, nag-iisang kumakanta sa mikropono. Sa harap ng maraming magkasintahan. Mag-isa. Madaming matang nakatingin, madaming tengang nakikinig sa akin, at kinikilig. Hindi lang nila alam na ako mismo'y giniginaw habang nagbabasa o tumutugtog.

At bigla siyang dumating.

Hindi muna ako magkukuwento; alam na ninyo siguro ang kalahati nito. Pero ang kalahati'y hindi ko pa puwedeng ilantad. Wala pang nangyayari, nagsisimula pa lang ang biyahe.

Alas-singko ng madaling-araw na yata ako nakauwi kahapon. Matapos ang mga pangyayari sa Read and Brew, medyo masama ang loob ko. Dumiretso ako kina Deyeypee. Nagkataong palang pareho kaming may dinidibdib at kailangang lunasan sa pamamamagitan ng pagdulog kay Dionisio. Tamang kuwentuhan lang. Dugtong-dugtong ang biruan namin: nagsimula kami kay Abdul, 'yung kaibigang Muslim ng isa naming kasama, at natapos kami kay Saddam at ang Voltes Five. Pero sa likod ng bawat halakhak, may hibik na nagtatangkang magpumiglas.

Hindi ko alam kung tama ang magdalamhati. Wala pa namang balita sa kanya. Sabi lang niya, "Jonar, aaksayahin mo lang ang panahon mo..." At iyon ang ayaw kong gawin. Pero kung tutuusin, at kahit anong bagay na ginawa alang-alang sa pinakapaborito nating emosyon ay hindi aksaya ng panahon at lakas.

------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------

Wala na pala si Mang James, ang paborito naming lab technician noong Chemistry major pa ako. Batang-bata pa; hindi pa yata aabot sa gulang na 45. Tinext ako ni Aaron noong Biyernes, habang papunta ako sa City Hall para kausapin si Mayor: Jonar, wla n c mang james, ung paborito nating lab tech sa chem.

Naaalala ko pa siya. Minsan, noong nawalan ng ina ang kaibigan kong si Christian, sabay kaming pumunta sa Lucena, Quezon: ako, si Karl, si Aaron, si Kenny, si Mang James, at ang isa pang labtech na magaling ding sumayaw ng ballroom. Nakabalik kami sa Maynila nang alas-tres ng madaling-araw. At dahil doon lang naman sa Batasan nakatira si Mang James, sabay na kaming umuwi.

Noon ko lang nalamang madami pa palang sumasakay sa mga dyip na biyaheng Tungko sa dis-oras ng gabi.

Kaya, Mang James, salamat at nakasabay ko kayo pauwi. Malayo pa ang Fairview. 'Di bale, magkikita pa rin tayo sa Chem Lab sa himpapawid, minsan.



Lunes, ika-16 ng Pebrero 2004
03:14 n.h. noong huling na-dagitab si Jonar.
 
Kuwento, kuwento

Marami na palang nangyayari simula noong huli akong nag-update sa blog ko:

1) Sinama na ako nina Nonoy at Tina sa friendster list nila. Hindi ko pa na-aaprove.
2) Nagka-blog si Mikael. At nalaman kong may blog na rin pala si Jeanie. ('Tang'na, dumarami na kami.)
3) Nagka-dengue si Mai-I. At hindi ko sinadyang pahiyain 'yung elevator lady noong sinabi kong hindi yata bagay sa kanya ang pamaypay na gawa sa recycled na karatulang may arrow na nakaturo sa kanya at may nakasulat na "BASURANG TUYO."
4) Kinabukasan, nakita ko siya. "BASURANG BASA" naman ang nakasulat sa pamaypay niya. Pinigilan ko ang pagtawa ko. Dahil dito, napautot naman ako.
5) Inamin ko na rin sa wakas kay Tatay na sa Marso pa ako gagradweyt, at hindi noong Oktubre. Namura niya ako, pero at least naniwala siyang ako ang nagbabayad sa matrikula ko.
6) Nakapunta ako sa isang patay-sindi sa tapat ng Sandiganbayan. Kinabukasan, dinemolish iyon ng mga taga-MMDA. Sayang.
7) Nagbasa ako sa KONTRABERSO. Asteeg si Mikael. Pumunta kayo sa blog niya, ha.
8) Gumimik kami sa Libis, at nakasayaw ko ang crush ko sa eTelecare.
9) Nanalo ang Fash sa PBL Platinum Cup. Asteeg si Fonacier. Sana, ganoon din ang gawin niya sa UAAP.

10) Sa wakas, naging matinu-tino naman ang panimula ng tulang sinusulat ko:

Look at Pepe.
Look at Pilar.
Look at Pilar's pepe.
Look at Pepe's pillar.
See how they run!

See Pilar hide.
Look at Pepe searching for Pilar.
Look at Bantay.
Bantay is a dog with a pillar.
Bantay can see everything,
smell everything, taste everything...

'Yun pa lang. Simula pa lang ito.

-----------------------------------------------------------------------------------------------------------------------


PLUGGING! PLUGGING!

Idadaos ang RUBDOB, isang pagtatanghal ng mga tula at awit ng pag-ibig, sa Biyernes, ika-13 ng Pebrero, 6-9 n.g. sa JGSOM Rock Garden, Ateneo de Manila. Pumunta kayo nang mapanood ninyo ang bandang AWARE na tumutugtog ng kanta ni Nyoy Volante.

Lunes, ika-9 ng Pebrero 2004
03:34 n.h. noong huling na-dagitab si Jonar.
 
SI Vic Sotto at ang Takipsilim

Madaling mahalata kung nababato na ako rito: 1) Sumusulat na ako sa blog. 2) Kumakanta na ako ng kung anu-ano. 3) Wala lang. Mga walang-katuturang wala lang.

Patapos na ang isa pang araw. Sa kanluran, pula ang takipsilim. Nakikita ko ang repleksyon ito sa Manila Bay. Maya-maya, mga anino na lang ang matitira sa mga gusali ng Ortigas at Makati.

Bakit ko nga ba nasabi ang mga ito? Simple lang. Bukas, wala na ako rito. Ito ang una at huling takipsilim na masasaksihan ko bilang isang taga-sagot ng mga tawag ng mga Kano. At tama lang na pula ang kulay ng araw.

Nagdala ang isa kong kasam, si Joseph, ng CD player. Habang itinitipa ko ang mga salitang ito, tumutugtog ang Ipagpatawad Mo ng VST & Co. Ano'ng kinalaman? Wala naman talaga. Parang naaastigan lang ang mga natitirang tao dito sa kanta, at sa paglubog ng araw.

Pero heto lang ang masasabi ko: walang makatatalo sa init nito, at sa unti-unting paglamig ng hangin sa pagkagat ng gabi. Maganda man ang tanawin mula sa ika-20 palapag, iisa lang ang temperatura ng hangin: malamig.

********************************************************

Plugging lang: Magkita tayo sa KONTRABERSO bukas. Ika-30 ng Enero, 4:30 n.h., sa College Quad 1, Ateneo.

Heto'ng sa mga pulang araw.

*********************************************************

Mga bagay na nasa cubicle ko ngayon:

1) Isang Grade 2 pad.
2) Isang clearbook.
3) Isang bolpen.
4) Isang plastic bag na puno ng CD. Kasama rito ang CD ng VST & Co.
5) Isang kopya ng The Portable James Joyce. Hindi ko pan natatapos ang "Dubliners."
6) At siyempre, ang kaluluwa ko.

Buhay call-center. Baw.

Huwebes, ika-29 ng Enero 2004
5:40 n.h. noong huling na-dagitab si Jonar.
 
Kuwento

GANITO pala ang day shift. Walang masyadong tawag. Sa buong linggo, hindi pa aabot sa sampu ang nasagot ko, at ang iba pa sa mga iyon ay mga prank call lang.

Kaya nakapagtatakang kinuha ulit ako ng call center na ito. Kung tutuusin, nasa eskuwela dapat ako: nag-aaral o nakikipagpulong sa mga kasama sa thesis, o 'di kaya'y nagbubulakbol sa Pubroom. Mas nakakaengganyong tumambay dahil aircon na doon. Mas kulob ang ingay.

Ganito pala ang tanawin mula sa ika-20 palapag. Sa mga hapong walang ulap na nakalambong sa lungsod, kitang-kita ko ang antenna ng channel 4. Kitang-kita rin ang Burgundy Place, ang gusali sa tapat ng Ateneo. Kung dinire-diretso mo ang maneho galing doon, tatawid ka sa Commonwealth. Papuntang Tandang Sora. Kung ayaw mo naman, puwede kang kumaliwa papuntang U.P.

'Yan na naman ang Jonar Sabilano Misery Tour.

Hindi ko alam kung ano ang meron sa mga tanawin dito na nakakapukaw sa mga alaala. Kung tutuusin, pagkalimot ang isang dahilan ng pagpasok ko sa call center. Pero tila baga baliktad ang nangyayari.



SA KABILANG dako, hindi na rin ako nakakatambay sa Read and Brew. Kagabi, nag-text sa akin si Cheme. Sabi niya, nandoon siya. Tumambay raw ako. Sabi ko, hindi ako puwede: masakit na ang ulo ko at may civil service exam ako kinabukasan. Sabi niya, magsisisi ako; nandoon ang isang taong kinakikiligan ko.

Kagabi, sa kuwarto, habang sinusubukan kong magnakaw ng tulog, hinahabol na agad ako ng mga pulis at paramediko. Malapit kasi sa bahay ang istasyon nila, sa tabi ng FEU Hospital. Dinig na dinig ko ang mga wangwangwang ng ambulansya at mobile.

Wala talagang mas mainam na pampabulabog sa nagtatangkang humimbing kundi ang kumbinasyon ng sirena at malalamig na alaala. At siyempre, ang aircon naming garalgal na't naghihingalo sa dami ng alikabok sa filter nito.

Sa ngayon, nasa opisina ako. Nag-aabang sa mga tawag na hindi naman darating, hindi naman maririnig. Pinag-uusapan ng mga dyanitor ang EDSA Tres, kung paano sa gitna ng laksa-laksang tao ay may batang nasagasaan pa ng traysikel.

Sana man lang, makatakas muna ako sa workstation na ito at makasali sa kuwentuhan. Pero ano naman ang ikukuwento ko? Na noong Mayo Uno 2001 ay nasa de-aircon na condo ako ng kasama ko sa Matanglawin? Na noong tanghalia'y kumain kami sa SR Thai? Na ang pinakamalaking problema ko noon ay ang dumi sa talampakan dulot ng pagtakbo nang nakayapak sa treadmill ni Diane? O sasabihin ko rin bang nakikiisa ako sa mga tao roon kahit na hindi ako pro-Erap, kung dahil lang sa ginawa sa kanilang kahayupan ng mga pulis ni GMA?

Huwag na siguro. Hindi maipagmamayabang ang kababawan kong ito. Makikinig na lang siguro ako, at nanamnamin ang mga hinaing ng mga dyanitor sa insuladong daigdig na ito.

Huwebes, ika-28 ng Enero 2004
2:20 n.h. noong huling na-dagitab si Jonar.
 
balik sa dating gawi na hindi

Kahapon, nakasagot ako ng suma total na isang tawag. Oo. Sa loob ng siyam na oras ng pagbubulakbol, iisang tawag lang ang natanggap ko.

Pagkarating ko sa Ateneo, nakipagkita muna ako kay Ruby, isang kaibigang matagal ko nang hindi nakikita ni nakakausap. Huli ko siyang nakita noong graduation ng mga kaklase ko. Dinala ko siya sa opisina ng Matanglawin noon, tapos, nag-isaw kami. Kahapon naman, nagkita kami sa KFC Katipunan.

Pagbalik ko sa Ateneo, may nag-text sa akin. Isang taga-Baguio, si Joan. Mag-aaral sa St. Louis. Sabi niya, nababasa raw niya itong blog tsaka ang Matanglawin. Siyempre, natuwa ako. =)

Ano pa nga ba? Ay, oo. May bago akong achievement: sa unang pagkakataon, natuto na akong kumain gamit ang chopsticks. Noong Lunes kasi, habang naglilibot ako sa floor (feeling floor support), nakita ko ang isa pang kaibigan, si Raven. Ksama rin siya sa mga natanggal sa call center. Nasa opisina siya para sa exit interview. Inaya niya ako at ang isa pa niyang kaibigan na kumain sa labas. Pumayag naman ako. Kumain kami sa Tokyo Tokyo. Sinadya kong hindi kumuha ng kutsara at tinidor.

Unang subok: Tagumpay! Tuwang-tuwa ako. Pero biglang nadulas sa kamay ko ang isang chopstick, tapos, nawala na ang hand-eye coordination ko. Bwiset. Buong tanghalian akong nagmumura ng "Bakero! Bakero! Bakero!" sa chopsticks ko. Kung tutuusin, madali pa ang kinakain ko: tonkatsu at kaning buo-buo ang pagkakasaing. Malabsak. Masarap. Nakakangawit.

Muntik pa akong ma-Freudian slip habang nag-oorder pa ako ng pagkain sa counter. Sabi ko: "Miss, isa ngang KAN... [hintay nang matagal] ton-KAT-su. 'Yun."

Mabuti na lang at hindi alam ni Raven ang ibig sabihin ng muntik nang dumulas sa dila ko.

Kagabi, sumabay ako pauwi kay Angela. Isa rin siyang oks na tao. Kasama ko sa Matanglawin. Kuwentuhan lang kami sa loob ng Pajero nila. Doon ko lang nalaman na 'naknamputsa, nakakamiss talaga ang Matanglawin. Lalo na ang mga kuwentuhang katulad ng kagabi. Silang hindi nagsasawa sa pakikinig sa ingay ko.

Parang si Joan ng Baguio. Parang kayo, mga tagatangkilik. Salamat.

Miyerkules, ika-21 ng Enero 2004
7:40 n.u. noong huling na-dagitab si Jonar.

 
Isang paanyaya

Oist. Kaunting plugging lang.

Sa ika-30 ng Enero, ihahandog sa inyo ng Kagawaran ng Filipino ng Pamantasang Ateneo de Manila, MATANGLAWIN, at ng Ateneo Literary Society ang KONTRABERSO: isang pagtatanghal at pagtatalakay tungkol sa panitikan ng protesta. Idadaos ito sa College Quadrangle, Pamantasang Ateneo de Manila, ika-4:30 ng hapon. Ilan sa mga inanyayahang magbabasa at magtatalakay ng mga tula nila ay sina Pete Lacaba at Gelacio Guillermo, kasama na rin ang ilang manunulat ng Ateneo. Ang gawaing ito ay gumugunita sa ika-30 anibersaryo ng First Quarter Storm.

Para sa mga katanungan, mangyaring tumawag sa opisina ng Matanglawin sa 426-6001 loc. 5074. Hanapin si Kapi o Anj ng Matanglawin o si Leo ng LitSoc.

Kitakits.

Martes,, ika-20 ng Enero 2004
11:14 n.u. noong huling na-dagitab si Jonar.

 
hindi ito talumpati

Una, salamat sa mga masugid na tagasubaybay ng blog ko. Bagaman hindi ko gaanong naa-update ito, marami pa rin ang nagbabasa (3,389 sa huling bilang).

Pangalawa, isang update: noong Huwebes, tinawagan ako ng call center na pinagtatrabahuhan ko. Sabi nila, kailangan nila ng dagdag na tao para sasusunod na dalawang linggo. Sabi ko naman, ayos lang. Tutal, wala naman akong ginagawa sa bahay, at higit pa roon, wala na rin akong panggastos -- kailangan ko pa ng pang-matrikula. Kaya kinabukasan, bumalik ako sa Libis. Paglabas ko, kasama na naman ako sa karera ng mga daga.

Isang linggo rin pala akongtumambay sa Ateneo. Nakaka-miss talaga ang mga kasama ko. Kung tutuusin, sila lang talaga ang mga nakakabiruan ko tungkol sa pulitika, kay FPJ, at sa La Salle Scandal nang matino. Pero pagdating sa bahay, tulog agad ako. Kung hindi ako natutulog sa mga gabing wala akong pasok, nasa Read and Brew naman ako -- isa iyong kapihan sa Fairview, malapit sa simbahan. Doon tumatambay ang mga miyembro ng ibang koro, pati na rin ang ilan sa mga kasama ko sa Friends.

Pagdating ko rito sa opisina kaninang umaga, napansin kong nandoon pa rin ang mga kaibigan ko. Ewan ko kung kapal langito ng mukha, pero parang natuwa sila at bumalik ako.

Ngayon, wala akong ginagawa talaga. Wala pa akong headset, ni password sa mga kompyuter. Pagala-gala lang sa ika-19 palapag, paupo-upo lang sa recliner sa ika-20.

PARA SA MGA TAGASUBAYBAY: napapansin kong maraming humihingi ng tulong ko sa paggawa ng talumpati. Liliwanagin ko na ngayon: hindi po talaga ako gumagawa ng talumpati. Mga dighay lang ito ng isang taong naghihingalo, at kung minsa'y nagbubunyi. Nagkakataon lang na sa Filipino ako sumusulat. Sa akin, normal na iyon. Siguro, repleksyon ito ng kung gaano na napabayaan ang Filipino sa mga paaralan: wika na lang ito para sa pananalumpati, at wala na sigurong iba.

At oo nga pala -- kay ATENISTANG_TUNAY: Kailangan ka pa bang barahin ng pinaka-bobong tibak bago ka man lang mamulat? Tanggalin ang piring sa iyong mga mata. Ang tunay na Atenista, bumababa sa burol ng Loyola Heights. O baka hindi mo kabisado ang Song For Mary?

Sa iba: baka hindi ko na gaanong ma-update ito. Patapos na ang schoolyear. Pa-gradweyt na ako. Todo na 'to.

s.t.r.

Lunes, ika-19 ng Enero 2004
10:49 n.u. noong huling na-dagitab si Jonar.

 
Patingin-tingin

Binabalaan ko na kayo: ito na siguro ang pinaka-olats na entry na mababasa ninyo sa blog na ito.

Mahahalata ninyong wala akong gana. O kahit libog man lang. Siguro, dahil pagod na pagod ako -- at take note -- halos isang linggo na ang pahinga ko mula sa trabaho. Kung tutuusin, hindi lang kasi ako sa trabaho okupado ngayon. Una, ang paghahanap ng bagong trabaho. Sunod, ang mga ginagawa sa bahay. Sunod, mga trabaho sa eskuwela. At huli, ang paghahanap ng katuturan sa buhay na tila nawalan na nga ng lahat ng katuturan.

Maganda ang simula ng araw ko. Malamig pero mataas ang araw. Pumasok ako at masaya naman sa tambayan at naunawan ko ang tinuturo ng nerdoks kong prof na naging kaklase ko noon sa Pisay. Naka-perfect ako sa quiz namin.

Pero pagdating ko rito sa Fairview, dumiretso ako sa isang internet cafe dito sa mall. Walang internet. Sinubukan ko sa kabila. Una kong tiningnan ang Ligaw na Dagitab. May gumawa ng comment sa tagboard. Nagclick ako sa link niya. Tapos, nakakita ako ng mga litrato.

Hindi lang iyon. Sa unang pagkakataon sa loob ng limang buwan, tiningnan ko ang Yahoo! Messenger ko. Nakita ko: 09/30/03: ******** has added you as a friend. Ang tagal na pala. Nag-message ako sa kanya: "sana man lang, maalala mong in-add mo ako..."

Oo. Hanggang ganito na lang ako. Patingin-tingin, hindi naman makalapit. Naroon ang litrato niya sa friendster network ko, pero natatakot akong i-click ang link sa kanya. Baka kung ano pa ang makita ko. Baka kung ano pa ang mabasa ko. Ewan. Tama na siguro ang tumingin. At least doon, kaya ko pang kontrolin ang patutunguhan ko.

Lunes, ika-12 ng Enero 2004
05:19 n.h. noong huling na-dagitab si Jonar.

 
Sa loob ng 30 minuto, jobless na ako. At oo, hindi ako gaano nalulungkot.

Sa wakas: pag-uwi ko mamaya, makakatulog ako nang mahimbing. Makakagimik ako. Mapagtutuunan ko na ng pansin ang pag-aaral.

Talaga lang, ha.

Pero marami pa pala akong kailangang lakarin. Una, babalik pa rin ako sa call center na ito para magpapirma ng kung anu-anong ka-ekekan. Tapos, pupunta pa ako sa Makati para kumuha ng isa pang pirma. Pagkatapos, may pasok ako bukas ng umaga. At hindi lang iyon: mag-aaply pa ako sa iba pang puwedeng pasukan.

Oo, ganoon ako ka-desperadong maghanap ng pangmatrikula.

Upside: makakatulog ako nang mahimbing. Downside: hindi rin; madaling-araw ako gigising para tumulong kay Tina sa paglilinis ng bahay, pag-hugas ng mga pinggan, pagluto ng ulam ni Mai-I, at oo, pagtitiis ng pagmumura ni erpats.

Hindi lang iyon. Sabi ko na nga ba't ganap na ang pagiging sellout ko: natutunan ko na ring mahalin ang smart business casual attire. Hinahanap-hanap ko na ang aircon. At siyempre, ang pagsikat ng araw -- kung paano ito umaakyat mula sa lungga nito sa likod ng mga bundok ng Antipolo.

Higit sa lahat, ang mga naging kasama ko rito. Hindi ko na kayo iisa-isahin; kilala na ninyo ang mga sarili ninyo. Salamat at pinasaya ninyo ang pagtakbo ko sa karera ng mga daga.

Baw.

Huwebes, ika-8 ng Enero 2004
07:30 n.u. noong huling na-dagitab si Jonar.

 
Hapon na pala. At malapit nang lumubog ang araw.

Ang ganda ng horoscope ko noong araw ng Bagong Taon: "...Your financial condition will improve. You're on a roll until late September."

Ang sarap sanang maniwala. Pero noong isang gabi, tinawag ako ng team leader ko sa call center. Sabi niya sa akin, "Jonar, we regret to inform you that your contract will be preterminated effective Wednesday..." Nagpaliwanag siya gamit ang attendance record ko. Ayos lang sana, dahil napaka-delingkwente ko sa pagpasok, pero nung nakausap ko ang kaibigan kong tila pang-team leader na ang ginagawa, nalaman kong natanggal rin siya. Ngayon, alam ko na ang nararamdaman ng isang kontraktuwal na manggagawa.

Naaalala ko dati, noong gumagawa ako ng artikulo sa mga nagwelga sa Miriam. Ngayon, isa na rin ako sa kanila: biktima rin ako ng tinatawag na unfair labor practices. Pero madali lang namang lumipat ng trabaho. Ang problema, magkakabanggaan ang trabaho at ang eskuwela. Gigising rin ako nang alas-kuwatro y medya. Ang maganda, hanggang alas-tres lang ako. Tapos noon, puwede ako pumunta sa Ateneo at humabol sa mga na-miss kong iskulwork.

Kung tutuusin, mababaw pa ang problema ko. May kaibigan kasi akong nawalan ng ama kamakailan lamang. Kung gusto niyong malaman ang mga detalye, basahin niyo na lang ang blog ni deyeypee (may link sa gilid ng site na ito.) Nakikidalamhati ako sa kanya; isa siya sa mga pinakamatalik kong kaibigan sa koro.

Kaya bigla na lang ako napaisip: tapos na ang bukang-liwayway. Hindi ako puwedeng tumulala lamang at asahang araw-araw, maganda ang pagsikat ng araw. Kailangan ring bunuin ang init ng tanghali, ang ginaw ng tanghali. At oo, maagang dumating ang tag-ulan sa Pilipinas ngayong taon. Kanina, noong pauwi ako mula sa St. Luke's, kung saan kumuha ako ng medical records ni Tatay, umulan nang malakas. At tandaan, hindi pa dumarating ang tag-araw.

Ewan ko. Malabo ngayon ang mga bagay-bagay. Resulta siguro ng ambon ngayong hapon.

Martes, ika-6 ng Enero 2004
3:15 n.h. noong huling na-dagitab si Jonar.

 
Ang ikalawang umaga ng 2004

NAKITA ko na naman ang pagbubukang-liwayway ngayon. Hindi katulad ng nasaksihan ko noong umaga matapos ang Pasko, maganda ang pagsikat ng araw: walang kaulap-ulap, maliwanag ang araw, at higit sa lahat, nakita ko ang pagbabago sa langit.

Sa una, karimlan. Sunod, unti-unti nang lumiliwanag ang kalangitan. Tapos, isang manipis na linya sa gilid ng mga anino ng mga bundok. Maya-maya, unti-unti nang lumabas ang isang ginintuang bilog mula sa pagkakatago nito. Bughaw ang langit.

Pati ang mga kasama ko rito sa opisina, napatulala rin. Totoo, nasa likod kami ng salamin, at nag-uumpisa na silang masilaw ng araw, pero tulala pa rin sila. Hindi ko alam kung ano'ng mayroon sa mga pagsikat ng araw na nagtutulak sa ating tumingin. Pero anuman iyon, hindi maidudulot ng kompyuter iyon. Hindi maibibigay ng salapi ang ligayang dulot ng panonood sa mga pabago-bagong aninong naglalaro sa mga gusali, sa mga bundok, sa kalsada. Sa lupa.

Siguro, dahil makatitiyak tayong sisikat muli ang araw kinabukasan. Makulimlim man o hindi, lagi nating mararamdaman ang init nito -- at ang ulan, at ang mga pagbabago ng panahon. Oo, lahat ng ito, dulot ng araw.

Katulad ng pag-ibig. Totoo, hindi natin lagi nararamdaman ang init nito, ngunit makatitityak tayong oo, darating ito. Hindi ba giniginaw tayo dahil tayo'y nangingibig ngunit hindi sinuklian? Hindi ba tayo'y nagbabago sapagkat iniibig din natin ang ating mga sarili, ang Kapwa-tao?

Mahirap talaga paniwalaan ang mga salita kong ito. Ako rin mismo'y nawalan na ng tiwala sa pag-ibig, sa pagsikat ng araw. Laging kulimlim ang katipan ng bukang-liwayway. Ngunit ngayon, dumating ang isang bagong araw, ang ikalawang araw sa bagong taon. Ang ikalawang araw sa bagong buhay. Sigurado akong hindi lahat ng mga pagsikat ng araw ay magiging tulad nito, ngunit sigurado akong may darating at darating pa ring mga umagang tulad nito.

At kung para lang sa mga pagsikat ng araw na tulad nitong nakikita ko ngayon, mabubuhay ako.

Biyernes, ika-2 ng Enero, 2004
06:33 n.u. noong huling na-dagitab si Jonar.

 
Umaga matapos ang Pasko

SAAN: Isang call center sa Libis.
ANO: Tinitingnan ko ang pagsikat ng araw ngayon.

Dalawang oras na lang at matatapos na ang shift ko. Tatlong beses na yata ako nahuhuling natutulog ng auditor. Wala kasing tumatawag. Iisa pa lang yata ang sinagot kong tawag buong gabi, at iyon ay para lang ma-activate ng isang kostumer ang gift card na niregalo sa kanya. Malamang, isa rin sa mga kasamahan ko rito ang kumuha ng order na iyon at nagpasok ng pangalan ng kostumer, etc.

Ang ganda talaga ng bukang-liwayway dito. [Nakabuka si Liwayway.] Maulap nga, pero sa gitna ng mga ulap, sumisilip ang araw. Sa bulubundukin ng Antipolo, namumuo na ang hamog. Sa Fairview naman, ang usok ng mga sasakyan.

Trapik daw kagabi, sabi ng tsuper ng taxing sinakyan ko papasok. Lahat kasi ng tao, nagsipuntahan sa isang peryahan sa Philcoa. Kaya lumusot na lang kami sa Sauyo. Nadaanan ko ang Pisay. Ang lungkot pala ng Pisay kapag Pasko. Lalo na ang Ateneo -- nakapatay na ang mga ilaw sa Katipunan. Dito, halos ngarag na ang lahat. Mahinang "Merry Christmas" lang ang naririnig ko sa bawat nakakasalubong sa elevator. At least may naririnig ako sa kanila.

Heto ako't nanonood na naman ng pagsikat ng araw, katulad ng nakasanayan na nitong huling isa't kalahating buwan. Pero makulimlim ang langit ngayon. Hindi ko alam kung bakit. Tumingin ako sa bandang Fairview. Aba, usok lang ang bahid ng itim sa asul na kalangitan doon. Sana, ganoon din ang maabutan ko.

Muli, napapaisip ako: ito ang unang Pasko sa loob ng tatlong taon na gumising ako't walang nakitang "Merry Christmas" sa cellphone ko. Siguro dahil busy ang network noong nochebuena. Pero hindi; tinawagan ko siya noong hatinggabi. Siguro, dahil siya lang talaga ang hinahanap ko sa ganitong kalamig na panahon. Ano kaya ang ginagawa niya ngayon? Tinutulugan ba niya ang bukang-liwayway? O pinapanood niya ba ito nang may kasamang hindi ko man lang kilala? 'Yung sinabihan niya ng matatamis na salita kamakailan lamang (at talagang iniyakan ko, dahil nalaman kong wala na, wala na talaga... ), iniisip rin ba siya ngayon? Papaano kung ako lang ang nag-iisip ng ganito?

Wala akong karapatang mag-isip. Masaya siguro sila ngayon. Ako, magpapakakuntento na lang sa panonood ng pagsikat ng araw sa isang makulimlim na kalangitan, sa piling ng mga kapwa mandirigmang bumagsak na sa labanan. Sana, gumising na rin sila. Hindi ako sanay na tumingin sa silangan nang mag-isa.



Biyernes, ika-26 ng Disyembre 2003
07:08 n.u. noong huling na-dagitab si Jonar.

 
isa pang kanta sa soundtrack ng isang sawi

The Ghost In You
Counting Crows


A man in my shoes runs a light
All the papers lie tonight
But falling over you
Is the news of the day

Angels fall like rain
And love, is all of heaven way
Inside you the time moves and she don't fade
The ghost in you she don't fade away

The race is on, i'm on your side
But hearing you my engines died
I'm in the mood for you
Or for running away
All the stars come down in you
But love, love, love you cant give it away
Inside you the time moves and she dont fade
The ghost in you she dont fade
Inside you the time moves and she don't fade away

Biyernes, ika-26 ng Disyembre 2003
06:50 n.u.. noong huling na-dagitab si Jonar.

 
Dito at Ngayon: unang bahagi ng isang maikling akda

Take away space, and all we have is Here. Take away time, and all we have is Now.
-Richard Bach, Jonathan Livingston Seagull

Here we are. It's not a perfect world.
-Ken Zhu, Here We Are


LUGAR: Isang call center sa Libis. Isang gabi sa Disyembre.
TAGPO: Isang call center operator, naghihimutok tungkol sa Dito at Ngayon.

HALOS ALAS-SINGKO na pala, bulong ng ating bida sa sarili matapos tingnan ang malaking orasan sa dingding. Kakakain lang niya ng tanghalian, ngunit kumakalam na naman ang kanyang tiyan. Unti-unting napapapikit ang mga mata niya sa matinding pagod at antok. Huwag muna, mamaya na lang ako babawi pag-uwi, sabi niya, sabay inom ng kapeng pinalamig ng aircon.

Dumungaw siya sa bintana. Madilim pa rin, katulad ng nakasanayan niyang makita tuwing dumudungaw. Sa kalyeng C-5, kakaunti pa lamang ang mga sasakyan -- karamihan sa kanila ay patungong Pasig, Makati, at Taguig at humahagibis sa bilis na 100 kilomtero/oras. Sa daan patungong Katipunan at Marikina, wala pang isang sasakyan kada minuto ang dumadaan. Binilang niya ang mga sasakyan. Napansin niyang mas marami pa ang nakaparada sa business park kaysa umaandar sa daan. Maya-maya, break na niya. Kinapa niya ang kanyang bulsa at binunot ang isang kaha ng Marlboro Lights. Binilang niya ang laman: sampung sigarilyo. Kaninang tanghali lang niya binili ang kaha, naalala niya. Tatlo pagkatapos mananghalian at bago matulog noong hapon, dalawa pagkagising, tatlo habang nagmamaneho patungong trabaho, dalawa pagkatapos niyang mananghalian. Naalala niya bigla na mag-isa lang siyang nanigarilyo noong lunch break niya. Ang mga dati niyang kasama'y iba na ang iskedyul ng tanghalian, o di kaya'y iba na ng iskedyul sa trabaho.

Ay, mali. Hindi pala siya nag-iisa kanina. Kasama niya ang nagtitinda ng sigarilyo sa kanto. Naiwan niya ang lighter sa kanyang workstation, kaya nakisindi siya sa manong:

"Manong, kumusta naman ang benta ninyo ngayon?"
"Ayos naman, pero medyo matumal. Masyado na kasing malamig ngayon, ayaw nang bumaba ng mga taga-taas."

Ipinasok ng bida natin ang kanyang kamay sa loob ng bulsa ng jacket niya. Si manong, naka-T-shirt at shorts lang. Matapang siyang nakatayo, hindi katulad ng guwardiyang nakasandal sa isang poste ng Meralco sa tabi.

"Hindi ba kayo giniginaw, manong?"
"Sa una, oo. Pero nasanay na rin ako. Ilang taon na rin akong nagtitinda sa gabi. At isa pa, kailangan ako rito. Wala na kasing ibang mapagbibilhan ng sigarilyo rito, e."
"Uh-hum."

Upos na lang ang natira sa sigarilyo niya. Itinapon niya sa kalsada ang upos at naglakad pabalik sa gusali kung saan naluluklok ang kanyang opisina.

Pagkasakay niya sa elevator, mag-isa na naman siya. Ang tangi niyang kasama ay ang imahe niya sa salamin. Sinubukan niyang bilangin ang mga imahe niya, pero sa bawat pagbibilang, tila dumadami ang mga kamukha niya sa mga dingding at kisame ng elevator.

Alas-kuwatro y medya. Eksakto ang kanyang pagbalik sa opisina. Pagkapindot niya ng Auto-In, mayroon na agad siyang tawag sa kabilang dulo ng linya.

"Thank you for calling American Express, this is _____, how may I help you?" sagot niya. "Yes, I've been trying to use my American Express Gift Card to check in at a motel here in Fort Lauderdale. The stupid dumb fuck receptionist wouldn't accept it. Are you gonna be a stupid dumb fuck too, and tell me that motels don't accept this Gift Card of yours?" reklamo ng boses sa kabilang linya.
"I'm very sorry, ma'am."
"No. It's a 'sir.'"
"Oh. I'm very sorry, sir, but it clearly states that the Gift Card cannot be used at hotels or motels..."
"So what the hell are you gonna do, leave me out in the cold with my girlfriend here?"
"Do you have a car, sir?"
"What?"
"Do.You.Have.A.Car.Sir."
"Are you insulting me? Of course I do."
"Then go sleep in the car, sir. If you don't want to, may I suggest that you buy some cigarettes at a 7-11 near you and sell them by the stick so that you can have hard cash for hotel reservations."
"You son of a bitch! I'll get your head for this! I wanna talk to your supervisor and--"

Toot. Toot. Toot.

Markdown na ito, sabi ng bida sa sarili niya. Pero hindi. Hindi nila kilala ang pag-iisa. Hindi nila talaga kilala ang ginaw. Hindi nila kilala ang pag-iisa, ang pagbibilad sa ginaw, dahil iyon ang tawag ng pangangailangan. Mabuti pa si Stupid Dumb Fuck Caucasian, may kasalo sa ginaw. Hindi katulad niya, na tanging ginaw ang kasama sa gabi, baliwalain na ang mga ka-opisinang walang pakialam.

Hindi katulad ni Manong Yosi, walang saplot kundi manipis na tela, walang kasama kundi ang mga sigarilyo niya. At ang mga sasakyang humahagibis sa daang hindi niya alam kung ano ang patutunguhan.

Ala-una y medya na, ayon sa Pacific Standard Time. Sa loob ng isang oras at labinlimang minuto, muli siyang bababa, at maninigarilyo sa piling ni manong at ng ginaw at ng mga sasakyan. Sana nga lang, sa susunod niyang pagbaba, may araw na.

Hindi na siya bibili ng sigarilyong de-kaha. Tingi-tingi na lang. Sa kahuli-hulihan, silang kapwa Pinoy pa rin ang magkakaunawaan.

Biyernes, ika-26 ng Disyembre 2003
00:02 n.u. noong huling na-dagitab si Jonar.

 
lyrics ng isang kanta sa soundtrack ko

Demons
Guster

My words confuse you
My eyes don’t move a blink
Cause it’s easier sometimes
Not to be sincere
Somehow I make you believe
Believe

When I speak I cross my fingers
Will you know you’ve been deceived?
I find a need to be the demon
A demon cannot be hurt

Honest is easy
Fiction is where genius lies
Cause it’s easier sometimes
Not to be involved
Somehow I make you believe
Believe

When I speak I cross my fingers
Will you know you’ve been deceived?
I find a need to be the demon
A demon cannot be hurt

When I speak I cross my fingers
Will you know you’ve been deceived?
I find a need to be the demon
A demon cannot be hurt

When I speak I cross my fingers
Will you know you’ve been deceived?
I find a need to be the demon
A demon cannot be hurt


Martes, ika-23 ng Disyembre 2003
8:50 n.u. noong huling na-dagitab si Jonar.

 
Sunrise

Always there is this pain that will not
go away, always there is this pain.

-Emmanuel Lacaba, Innocence of Things Past

At 5 a.m., the windows stop
reflecting what's inside
because the outside is no longer as dark
as it was at night.
Pressing myself against a window,
I see dew dripping down a pane,
leftovers from the night
that just passed.

At all times, the cold.

Outside, vehicles lie
frozen on the road.
The sun struggles to break free
of the clouds. Smog begins
to form in the distance,
invisible in its nearness,
but still there. Insulated
from the smoke and senselessness
of the city, I try to touch
the twentieth-floor sky,
but I can only feel the windowpane,
the cold biting into my fingertips.

Martes, ika-23 ng Disyembre 2003
03:40 p.m. noong huling na-dagitab si Jonar.

 
As the sun rose over Libis: a short story in progress

Bago man lang ako tuluyang magpaalam, ihahandog ko na muna ang ilang mga nasulat ko sa kakaunting panahong natira para sa nasabing gawain. Enjoy.

Sunrise came an hour late for him. At about the time people were just waking up, he was at the office, slaving out what would have been his last hour at work. However, they never knew it until a colleague of his pulled up the curtain, revealing a panorama of tall buildings casting shadows on the world. On the road below, traffic was beginning to build up; people were getting on and off cars.

A little later, a loud crash was heard at the nineteenth floor of the building where he worked: a big, gaping hole was found where a windowpane used to be.

***

"He never seemed the type who would do such a thing," T_____ R_____, a customer service associate who once occupied a quadrant with him, said. "He was always dozing off at work. There was a time when our supervisor would sneak up behind him and pop a plastic balloon. Still, he wouldn't wake up."

E_____ T_____, another colleague, added: "He would be quiet at times, noisy -- even bastos -- at times. Come to think of it, he would also spout some Mao Zedong Thought every now and then."

Operatives of the Quezon City PNP inspected what was left of a glass window. SP01 C______ M______ said that they were surprised that something as light as a 130-pound human being could shatter a tempered, laminated glass windowpane. Moreover, his colleagues could do nothing but stare nineteen floors down: in the middle of shards of glass, they could see that he was, in a way, moving.

***

He had never seen the sun rise this way before. First, a sliver of red slicing through the huddled clouds. Next, the red becoming orange, then gold, then lemon-yellow, as the sun inched its way up from behind the mountains. Finally, an incandescent disc tearing its way through the clouds, and gradually becoming even nearer to earth than the mountains were.

He was peering at all these through a curtain. From behind a sheet of perforated plastic, the skyline seemed like pixels on a badly-magnified computer screen. Nevertheless, he could make out the faint outline of a sliver, mountains, a disc.

Of all the times he'd seen the world that way, what would have been ordinary stuff ordinary mortals pass up for the sake of sleep was the most beautiful.

It made him want to touch the nineteenth-floor sky.

Martes, ika-23 ng Disyembre 2003
6:28 n.u. noong huling na-dagitab si Jonar.

 
kung bakit ang pag-ibig ay paghihingalo: isang pahimakas

Dada,

Pasensya na kung hindi ka na nakakarinig, o nakakabasa man lang, mula sa akin. Isa't kalahating buwan na rin akong nakikipagkarera sa mga ibang daga. Ayos naman ang kita. Madaling maubos, pero mabuti na lang at may nagmamalasakit pang magluto sa bahay sa mga bihirang pagkakataong nakakauwi pa ako nang gising.

Kumusta ka na? Matagal na kitang hindi nakita. Kahit saan ako mapadaang lugar na napuntahan natin, wala ka, kahit na pilit kang nakikita ng puso ko. Malamang, masyado ka nang abala sa mga ginagawa -- sa eskuwela, sa org, sa sorority na sinalihan mo -- at sa kanya.

Sabi ko na nga ba't mangyayari ito. Nagmadali tayo. Hindi man lang natin binigyan ng pagkakataon ang isa't isa na patayin muna ang mga demonyo ng nakaraan. Pero ano pa nga ba ang magagawa ko? Nariyan ka na, at ako, narito -- iilang kilometro lang ang namamagitan sa Dahlia at Tandang Sora, ngunit tila langit at lupa at naghihiwalay sa atin.

Sana man lang, sinabi mo sa akin ang dapat sabihin. Hindi mo na sana ginawa ang friendster thingie . Hindi mo na sana ginawa ang wrong send kagabi. Pero ano ba ang magagawa ko? Nagawa na -- at wala na akong ibang magagawa kundi ang patawarin ka. Gusto mo akong lumayo, hindi ba? Puwes, lalayo na ako, pero bago iyon, pinapatawad na kita. Hindi lang dahil mahal kita, kundi mahal ko rin ang sarili ko.

Susubukan kong sumulat muli ng mga tulang pag-ibig, labag man sa loob ko. Gagawin ko ito sapagkat kapuri-puri pa rin naman ang pagmamahal, kahit minsa'y sintu-sinto ito. Susubukan kong umibig muli: kung hindi sa iyo, sa sarili ko muna, tapos, sa iba. Pahihilumin ko muna ang mga sugat ko, nang sa ganoo'y isang buong Jonar na ang maiaalay ko.

At, pangako, hindi na ulit ako susulat sa iyo. Wala na akong dahilang sumulat pa. Ngunit may dahilan akong mabuhay pa, at hindi ikaw iyon. Kung sino, hindi ko alam. Siguro, Diyos, o pamilya, o ang taumbayan, o ang proletaryado, hindi ko alam. Malamang, lahat sila. Basta, may dahilan. At hindi ikaw iyon.

Pero sa ngayon, dudungaw muna ako sa bintana. Titingin ako sa langit ng dalawang araw bago mag-Pasko. Malamig ang silid, at mas malamig pa sa labas kanina, noong bumaba ako para mag-yosi. Oo, hindi na rin ako tumigil. Ginaya kitang hindi marunong tumupad sa pangako dahil lang mahirap tumigil. Tulad ng pagtigil sa kaiisip sa kanya. O sa kanila.

Mahirap na kausap ang kulimlim. Mamaya, baka umaraw, o baka naman umulan nang malakas. Sana naman, huwag tumama sa Maynila ang mga baha. Diyos ko, ang mga namatay sa Leyte. Kailangan kong mabuhay para punan ang hindi na nila magagawa pa. Tama. May dahila talaga, at hindi ikaw iyon.

Pagkatapos kong dumungaw, babalik ako sa kompyuter. Sasagot ako ng mga tawag ng mga taong nasa kabilang dulo ng mundo. Gagamit ako ng ibang pangalan. Hindi mo makikilala ang boses ko. At sigurado akong pagbalik ko'y hindi mo na ako makikilala. Pero sigurado rin akong makikilala kita. Siya nawa.

jonar

Oo nga pala, pansamantala munang magwawakas ang onlayn talambuhay ko. Lilipat muna ako ng server. Maaari niyo pa ring mabasa ang mga luma kong pagninilay at tula sa dagitab.pitas.com.



Martes, ika-23 ng Disyembre 2003
6:21 n.u. noong huling na-dagitab si Jonar.

 
Legal age

Una, congrats nga pala sa mga kaibigan kong taga-FEU. Dahil sa inyo, hindi na pakakantahin ng "Tattooed On My Mind" ang Ateneo Blue Eagles sa A.S.A.P. At biglang bababa ang kita ng mga Lopez. Wahtahtahtahtah. *Ano ba naman 'yan. Pati mga "text-lingo" ni Bianca ('yung nakilala ko sa Cavite noong pumunta kami doon nina Alex at Cheme), napulot ko na rin. :) *

Halos dalawang linggo na rin akong hindi nakakapag-update ng blog. Sa mga sumusubaybay, pasensya na. 'Ika nga ng mga kaibigan kong taga-U.P., "toxic" ako nitong mga huling araw.

Pero tama na ang mga paumanhin. Gusto ko lang magbalita... 'yun nga lang, kung may magmamalasakit na magbasa nito.

Noong araw na sinamahan ko si Mai-I (kapatid ko), sa field trip niya, bigla kong na-realize: 'naknamputsa, legal age na talaga ako. Paano ba naman kasi, itong tour guide sa bus, kinausap ako. Magulo kasi si Mai-I, hindi ko mapigilan sa kakatakbo sa Museo Pambata. Heto ang sinabi ni tour guide:

"...Sir, 'yung *anak* niyo po, malikot masyado..."

Gusto ko sana siyang sagutin: "Kuya lang ako. At isa pa, mas mukha kang magulang kaysa akin." Ngayon ko lang na-realize na ang hirap pala maging tour guide. Mahirap pala ang kahit anong trabaho kung ihahambing sa kolehiyo.

Na nagdadala naman sa akin sa sumunod kong pagkamulat sa edad. Noong nasa bus kami galing Fairview papuntang Pasay, dalawa ang ka-text ko (isa sa mga bihirang pagkakataong may prepaid credit ang cellphone ko): si Steffi, ang best friend kong babae noong nasa kolehiyo pa kami pareho (kasi ngayon, ako na lang ang nag-aaral); at si Bianca (mamaya, may ikukuwento ako tungkol sa kanya). Nagtatrabaho na kasi itong si Steffi sa eTelecare, isang malaking call center sa Libis. Kinukumusta ko lang siya. Sa kalaunan, napatanong ako: "May opening pa ba kayo diyan?"

Sumagot siya: "Ire-refer kita dito. Hintayin mo ang tawag nila, ha?"

Kinabukasan, kasama ko si Bianca sa U.P. Magpapatingin kasi dapat siya sa U.P. Infirmary. Minalas nga lang kami at sarado ang clinic. Kaya pumunta kami sa tapat ng Ilang2 Dorm at nag-isaw. First time ni Bianca kumain ng isaw. Naka-isa lang siya. Pero pagdating namin sa nagtitinda ng fishball, 'naknamputsa, ang takaw niya!

Sa gitna ng mga pag-iisaw at pag-fifishball, biglang tumunog ang ringtone kong "Tattooed On My Mind". Sinagot ko: "Yes, who's this?"

Sumagot ang nasa kabilang linya: "This is A___ A____, from eTelecare. Steffi Fermazi referred you to us..." Umabot sa limang minuto ang pag-uusap namin. Kinuha ko ang landline niya at sinabing tatawag ako pagdating ko sa bahay.

Pagkauwi ko (halos alas-otso na, dahil dumiretso muna kami ni Bianca sa bahay nila), tumawag ako sa eTelecare. Wala raw si A___ A____. Umuwi na raw. Kaya napagpasiyahan kong tumawag na lang kinabukasan.

Kinabukasan, tumawag ulit ako. Nagkaroon ng limang-minutong interview (na tila sampung minuto dahil sa dami ng tanong niya), at mukhang nagustuhan naman nila ang Ingles ko, kahit papaano. Sa susunod na linggo, siguro, mag-eexam na ako, para naman makapagsimula na ako sa trabaho.

At oo nga pala, masayang-masaya ako ngayon.

Isa lang ang masasabi ko tungkol sa dahilan, maliban sa prospect ng pagkakaroon ng trabaho: nagbunga ang pag-aaraw-araw ko kay Bianca. :)

'Yun lang muna. Saka na ang tungkol sa Oktoberfest at mga long test sa Project Management. Wahtahtahtahtah.



Lunes, ika-6 ng Oktubre, 2003
07:57 n.u. noong huling na-dagitab si Jonar.
 
Mga wala lang (ikalawang yugto)

... at magmula noong pumunta kaming Cavite nina Cheme at Alex, naging ganap na ang pagiging beinte-uno ko.

Ganito: hindi kami dumiretso sa Tagaytay. Doon kami sa Indang pumunta. Apparently, may dadalawin doon si Alex. Karelasyon niya. Nakilala ko doon ang mga kaibigan ng karelasyon ni Alex. Isa sa kanila, kung gagamitin natin ang isang linya sa isang komersiyal sa telebisyon, "inaaraw-araw" ko. 'Ika nga, kung hindi ko siya kasama (sa U.P. lang nag-aaral kaya malapit sa Ateneo), kausap ko naman. Kilala na niya si Mai-I, ang pinakabata kong kapatid (7 taon, babae), at minsa'y dinala pa niya sa bahay nila, kung saan pinagkatuwaan siya ni Tita.

Sa unang pagkakataon sa loob ng napakahabang panahon, nakapagsulat na ako ng mga bagong tula. Sayang nga lang at hindi ko dala ang mga kopya ko. Nasa bahay kasi at sira ang PC ko. Sa susunod na lang siguro.

Ano'ng natapos, ano'ng nasimulan, ano'ng gagawin:
1) Tapos na ang final paper ko sa Philo103. Tungkol iyon sa "Pluralism in a multi-rational Filipino society". Mag-email na lang kayo sa jonar_sabilano@hotmail.com kung gusto niyong makatanggap ng kopya.
2) Tapos na rin ang ikalawang mahabang pagsusulit sa nasabing kurso. Nakapapagod, considering that 12mn na ako nakatulog kagabi (kausap ko kasi siya). Pero ayos naman. Hindi sadista ang titser ko ngayon. Madali ang essay question.
3) Sasamahan ko bukas si Mai-I sa field trip nila. Oh joy.

Nag-aabang ako ng alas-kuwatro. Pupunta kasi akong U.P. mamaya.

Kita-kits.

Lunes, ika-22 ng Setyembre, 2003
01:51 n.h. noong huling na-dagitab si Jonar.
 
Mga wala lang

Iba na pala talaga ang pakiramdam ng pagiging beinte-uno. Salamat sa lahat ng bumati sa akin.

Maaga nagsimula ang tipar noong Sabado. Alas-siyete dumating sina Mikael at Lij. Napaaga raw kasi ang pagtatapos ng LIRA. Maya-maya'y dumating ang mga kasama ko sa choir. Noong ika-11 ng gabi, dumating si Charles, isa ko pang kasama sa Matanglawin. Hindi katulad ng nakaraang taon, hindi ako gaano nahirapan sa pagsabay sa mga beteranong tomador ng koro. Natapos kami noong alas-dos ng madaling-araw.

Pagkatapos naming uminom, nilapitan ako nina Cheme at Alex. Sabi nila sa akin, pupunta raw silang Tagaytay. Makakauwi raw ako bago mag-alas-diyes ng umaga. Sabi ko, sige. Minsan lang naman kasi ako magiging beinte-uno.

Naghatid muna kami ng mga kasama. Naflatan pa nga kami ng gulong, e. Pero pagkatapos ng isa't kalahating oras, nasa Cavite na kami...

Gusto niyo pa bang ituloy ko ang kuwento? Medyo tinatamad ako ngayon, e. Wala pa kasi akong tulog. Pasensiya na kung bitin.

Lunes, ika-8 ng Setyembre 2003
12:33 p.m. noong huling na-dagitab si Jonar.
 
Beinte-uno na ako.

Maganda dapat ang umaga ko. Maganda.

Kagabi nagsimula ang [tunay na] pamamaalam ko sa pagkabinata. Kagabi, habang nagluluto ako ng ulam naming magkakapatid (dahil wala si Kuya na nag-utos sa akin na hiwain ang manok para maluto niya pagdating), bigla kong naisip na simula nang gabing iyon, ganoon na ang magiging buhay ko.

Kumagat sa akin: pakshet, tumatanda na talaga ako. Gabi-gabi, pagdating mula sa klase o trabaho (next year), magluluto. Habang hindi pa nakakakuha ng katulong, magluluto. Minsan, maglalaba at maghuhugas ng pinggan. (Kung bakit ba naman kasi may mga inutil na kuya). Dumating bigla si Tatay habang nagluluto ako. Naghanap siya ng ulam na may sabaw. Pero wala. Hindi ko alam kung saang lupalop dinala ni kuya ang panggastos sana namin noong isang araw. Kung hindi niya nawaldas ang pera, baka nakapag-tinola pa kami kagabi. Paborito ko.

Alas-diyes na yata dumating ang gago. Mabuti na lang at nagluto agad ako. Nakakain tuloy sina Tina at Mai-i. Kahit alas-otso na sila nakakain, mas maaga pa rin iyon sa alas-diyes.

Kasabay ng pagdating ni kuya, bigla akong hinika. Oo, hikain ako. Kaya suicide ang pagyoyosi para sa akin. Pero isang linggo na akong hindi nagyoyosi. Hindi ko alam kung saan nanggaling ang hika ko kagabi. Mabuti na lang at nakakupit ako ng beinte pesos sa wallet ni Tatay. Bumili ako ng Ventolin sa drugstore malapit sa amin. Sa wakas, nakahinga na rin ako nang malalim.

Maya-maya'y nagsitawag na sila. Si VL, na kaibigan ko sa Ateneo at kung minsa'y sinasabayan pauwi. Inabot kami ng ala-una y medya. Si Vangie, ang ex kong taga-Angono (see the short story "Sakay" (www.matanglawin.com) for details). Si Vangie, spokening dollar na. Kakakausap kasi sa kaibigan niyang taga-Canada. Basta. Siya ang unang bumati sa akin.

Alas-singko ako gumising. Kailangan ko pa ihatid si Mai-I sa eskuwela dahil dala ni Tatay ang sasakyan, at masyadong tamad si kuya para magtraysikel. Alas-siyete y medya, nasa Ateneo na dapat ako. Pero natrapik ako sa Sandiganbayan. Buwiset.

Pero 'di bale. Magpapainom ako bukas. Pamamaalam sa buhay-beinte, pagsalubong sa tunay na buhay. Sana.

Biyernes, ika-5 ng Setyembre, 2003
08:20 a.m. noong huling na-dagitab si Jonar.
 
Salamat sa free cut

Haaay. Matagal na nga akong hindi nakakapag-update ng blog ko. Pero natutuwa ako ngayong higit na sa 800 ang nakadalaw dito.

Una, wala pa akong nasusulat na bagong tula. Hindi ko alam ang dahilan, pero parang hindi pa ako nadadapuan ng Musa, ano man siya o iyon. Ito na siguro ang tinatawag na "law of averages". Ang average ko kasi ay halos dalawang tula kada linggo. Noong linggo ng Heights workshop, naka-apat ako. Kaya medyo bumabawi lang siguro ang utak ko. Isa pa, abalang-abala ako nitong mga huling araw: sira ang PC ko, katatapos lang ng long test sa Project Management, at may tinatapos akong report tungkol sa ontolohiya ng Buddhismo. Mahirap gumawa ng matino-tinong bulsyet kung ganoon ang kinakaharap mo.

Kuwento lang. Buod ng mga nangyari noong huling tatlong linggo:

Inimbitahan kami ng Malate, ang opisyal na pahayagang pampanitikan ng La Salle, sa isang poetry reading. Bumasa ako ng tatlong tula. Natuwa naman ang kasama ko. Sabi niya, noon lang naging matino ang pagbabasa ko. Oooookeeeeey.

Kinabukasan, sumali ako sa fun run ng parokya namin. Halos wala akong tulog dahil alas-onse na ako nakauwi, at madaling-araw dumating si Tatay. Alas-singko y medya ang simula ng takbuhan. Alas-singko ako dumating sa starting line. 1.6 km ang distansya. At akong dating trackster ng Ateneo, dahil sa kawalan ng tulog at ensayo at dahil rin sa sobrang yosi at inom, hindi nakapasok sa top ten. Top 12 lang ako. Top ten sana kung dumiretso lang ako sa sign-up sa finish line. Nagpa-cool down muna kasi ako. Pagbalik ko sa finish line, may tatlo nang nakapirma. Buwiset.

At isa pang reading: noong Miyerkules noong nakaraang linggo, bumasa ako sa harap ng mga Atenista. Binasa ko ang "poster na nakapaskil sa isang ktv bar sa tapat ng sandiganbayan". Pumatok. Hindi ko alam kung dahil sa maganda talaga ang sinulat ko o kung dahil sinayawan ko ang mike stand na parang sexy dancer. At any rate, nagulat ako sa mga tao.

Siyempre, hindi mawawala ang inuman. Noong Biyernes, pagkatapos ng misa, dumiretso ang choir sa bahay nina Kuya VG. Pagkatapos naming kumain, nagpulong ang mga officer para pag-usapan ang mga guideline na gagamitin sa pagpapalakad ng koro. Hindi ako officer, kaya nandoon lang ako sa gilid. Patagay-tagay ng Tanduay habang nagshu-shooting ng bolang gawa sa tisyu. Pagkatapos, dumiretso kami sa bahay ng presidente namin. Inuman ulit. Napakasaya ng buhay.

Noong Miyerkules naman, inabangan ko ang Mars. Noong madaling-araw (5.30 n.u.), nakita ko iyon. Medyo pula. At napakalaki nga. Akala ko, mas maganda pagdating ng gabi. Hindi pala.

Pagkatapos ng exam ko sa PM na inabot ng alas-diyes ng gabi, naglakad ako papalabas ng Ateneo. Nalambungan ng ulap ang langit, kaya wala akong nakita. Tapos, biglang may nakita akong tuldok na pula...

...'yun pala, ilaw lang ng cell site. Pakshet.

Hmmm. Ngayong napag-isipan ko na, baka gawan ko ng tula ang nangyari sa akin noong Miyerkules.

Padayon.

Friday, August 29, 2003
10:05 a.m. noong huling na-dagitab si Jonar.
 
Mga Bagong Tula (pang-ilan na ba ito?)

Para kay Deyeypee: Tsong, sa wakas, nagawan ko na ng tula ang goto, ispageti, at beer. Sana, magustuhan ninyo ni Rico (kahit walang koneksyon ang paksa sa mga ginawa natin noon).

"Tampo"

Ang pag-ibig ko'y parang goto:
mainit, umuusok, nagbibigay-lugod
sa kaluluwang gutom at pagod.

Ang pag-ibig mo'y parang ispageti:
buhol-buhol na lubid ng pighati,
nakapulupot sa leeg, nakabibigti.

Ang pag-ibig nga'y parang serbesa:
nagdudulot ng walang-hanggang pag-asa, ngunit nagdudulot din ng walang-patid na pagdurusa.


Haay, nako. Salamat nga pala kina Rico, Jik, at Mikael para sa mga komento ninyo tungkol sa "Sand Poem #1". Nakatataba ng puso. As in.

Noon nga palang Heights Workshop, may ginawa kaming "salubong" para sa mga fellows. Dinala namin sila sa isang sulok ng Sacred Heart Novitiate sa Novaliches, kung saan naglagay sina Pj at Carl ng mga kandila. Asteeg. Romanteek. Nilalanggam ako.

"Candles"

Those were first times, if I remember right:
how we saw each other's faces
and heard each other's voices;
the dimming lights of a dozen candles
(like the hours on a clock's face)
slowly burning out.

Deluge dwindling into drizzle,
we were careful not to cross
the line marked off by lights
lest we fall feet-first into the pool
half-full, half-drained. The water
reflected flickers half a meter above.

You told me about this fool in school
(Loser was his name, I told you,
not revealing my hand in his existence),
and how the air weighed down on you
whenever he was around. The air
pressed down on me

(at seven hundred eighty Toricellis)
and knew it was pressing down
on the others present there too.
I knew it was my doing as well:
the candles, like the hours left
unwitnessed, slowly burning, flickering out.

Like that conversation.


At isa pa (hindi pa nga lang tapos):

"Quirino Highway"

Sa daan papuntang Bulacan,
tumingin ka sa kanan:
wala kang makikita kundi
bulubundukin at bakod.
Minsan, gawa sa bato,
minsan, sa barbed wire.
Nakakulong ang mga puno,
ngunit maya-maya'y may
makakalusot na kambing --
naninibasib ng damo
dahil hindi niya maabot
ang mga matatayog na sanga.


'Yun na muna. Marami pa akong nasulat sa halos dalawang linggong hindi ako nakapag-update. Ngayon, alam niyo na kung ano ang ginagawa ko kapag wala ako sa harap ng kompyuter. Nagsusulat lang ako.

Tuesday, August 11, 2026
08:42 a.m. noong huling na-dagitab si Jonar.
 
Mga Pinagkakaabalahan

Sa mga tagasubaybay ng mala-telenobelang blog na ito, humihingi ako ng paumanhin kung hindi ako nakakapag-update. Medyo busy ako nitong mga huling araw, at paminsan-minsan lang ako nakakapag-internet. Bukod pa doon, nasira ang PC ko at matagal pa bago maaayos. Ninakaw kasi ang processor ng kumag na humiram niyon.

Heto nga pala ang mga pinagkakaabalahan ko nitong mga huling araw:

1) Philo of Religion: katatapos lang ng long test ko noong nakaraang linggo, ngunit may report pa ang grupo ko tungkol sa pilosopiya ng Islam.
2) Mga kailangang ipasa sa Project Management.
3) Heights: may mga formalist talks na kailangang daluhan. Bukod pa doon, magsisismula na ang mga deliberasyon para sa mga ipinapasang tula at maikling kuwento. Sana naman ay may makita kaming maganda-ganda (akda, hindi babae).
4) Tatlong nobela ang nasa drawing board ko ngayon. Saka ko na isisiwalat ang mga detalya kapag natapos na ang mga plot outline ko.

At oo nga pala, congrats sa kaibigan kong si Anya Dizon na nagkamit ng ika-5 puwesto sa katatapos lamang na Board Exam sa Occupational Therapy. Mabuhay!

Tuesday, August 11, 2026
08:30 a.m. noong huling na-dagitab si Jonar.
 
Mga pinagkakaabalahan ko ngayon

1) Sinisimulan na ang major project sa PM.
2) Nag-aaral ng mga kasulatan ni Soren Kierkegaard para sa Philo 103.
3) May tatlong nobelang nasa drawing board.
4) Tinutulungan ang kaibigan kong si Ramil sa sarili niyang nobela.
5) Tutulong sa Heights Writers Workshop na idadaos mula bukas hanggang ika-3 ng Agosto.
6) Pag-inom, pagsulat, pagpapaka-"mindless".


Wednesday, July 30, 2003
08:57 a.m. noong huling na-dagitab si Jonar.
 
Ang mga dahilan ng hindi ko pagpasok sa PM (at dalawang bagong tula)

May kasalanan na naman ako kay erpat ngayon.

Sa halip ng pumasok sa Project Management, ang subject na dahilan ng hindi ko pag-gradweyt last year, napagpasiyahan kong huwag munang pumasok. Una, wala pa akong tulog simula kagabi. (Malamang dahil iniimagine ko na ako si Dao Ming Xu at nakahanap na ako ng San Cai na magsasabing "Gusto kita" sa akin). Akala ko ay sapat na ang tulog ko kagabi. 'Yun pala, makakatulog din pala ako sa Philo of Religion.

Kaya sa halip ng pagpasok sa ITM 124, dumiretso na lang ako sa SEC computer lab at nag-update ng blog. Mapapansin ninyong may hit counter na ako, at nilalagyan ko ng comments ang mga bagong entry. Haaay. Sadyang nakahuhumaling ang pag-maintain ng weblog.

Oo nga pala, may rally ngayon sa Mendiola. National Day of Action ng CEGP (anibersaryo nila kasi ngayon) at magbibigay ng talumpati ang kaibigan kong si Leo (Kwago) na siyang Katuwang na Patnugot ng Matanglawin. Isang taas-kamaong pagbati sa iyo, bok!

At dahil nga may mangyayari sa Mendiola ngayon (at nakabasa ako ng isang kopya ng Action Literary Folio ng College of the Holy Spirit na nakalagak sa tabi ng Malacañang), nakasulat ako ng dalawang tula tungkol sa kalyeng iyon.

Enjoy.

Mendiola 1

Laging may nagbabakasakali
sa kalye Mendiola.
Halimbawa, may babaeng
pinampapaypay
ang assessment form niya
sa harap ng lalakeng
nakaupo sa hood ng kotse.
Kinakapa ng lalaki
ang kanyang bulsa
at walang makakapa
kundi barya.
Bababa siya sa kinaluluklukan
at maglalakad hanggang
Legarda, kung saan mag-aabang
siya ng bus na biyaheng Marikina.
Magpapatuloy sa paglilibot
ang babae, nagpapaypay
kahit giniginaw na siya.
Dahil giniginaw na siya
at kailangan niya
ng init ng loob ng kotse
mamayang gabi.



Heto pa ang isa:

Mendiola 2

Laging mabigat ang hangin
sa kalye Mendiola.
Singbigat ng mga harang
na inilagay ng pulis
nang hindi makapasok
ang mga naghihimagsik
at naghihimutok.
Ngunit singtayog ng krus
na tangan ni Chino Roces
ang mga pangarap
na nag-iwan ng palatandaan
ng pakikipaglaban
sa kalsada.
Hindi kailanman mapapawi
ng mga bugso ng tubig
mula sa trak ng bumbero
ang dugo sa aspalto.
Hindi kailanman mahuhugasan
ng pagbuhos ng ulan
ang mga butil ng pawis
na nananatili sa hangin.
Umaalingawngaw ang mga sigaw
na naiiwan sa kalyeng ito,
at pinalalakas lamang
ng ugong ng lungsod.



Friday, July 25, 2003
11:11 a.m. noong huling na-dagitab si Jonar.
 
Class War (In defense of the mindless)

Habang nananalasa ang bagyong "Harurot" sa labas, ibang bagyo naman ang nanalasa sa loob ng Pubroom.

Ngayong nararamdaman kong inaatake na ang Matanglawin bilang isang pahayagan at samahan, nararamdaman kong kailangan ko nang kumilos -- o kung tutuusi'y sumulat -- bilang isang manunulat at dating patnugot nito. Hindi ako inatasan ng Patnugutan o kahit ng mga National Democrats, na siyang pinupuntirya ng isang kinatawan ng Union of Catholic Student Councils na nagpadala ng liham sa TheGUIDON.

Una, sinasabi ng nasabing liham na sa mga pahayagan ng Ateneo de Manila, ang Matanglawin lamang ang sumasang-ayon at nakikihanay sa mga adhikain ng pambansa-demokratikong kilusan (read: CPP-NPA-NDF).


Sagot ko:


1) Nagsimula ang Matanglawin sa isang DEMOKRATIKO-SOSYALISTANG PANANAW. Sa madaling sabi, SocDem ang mga nagtayo ng Matanglawin. Mga batang Heswita ang nagtayo at nagpasimuno ng pahayagang ito, katulad nina Lloyd Balbuena, Karel San Juan, Jose Magadia, at ang kasalukuyang Pangulo ng Pamantasang Ateneo de Manila, si P. Bienvenido Nebres, S.J. Sa totoo lang, madalas magbigay ng talumpati si P. Nebres tuwing ipinagdiriwang ng Matanglawin ang anibersaryo nito tuwing Setyembre.

2) Bagaman ang simulain nito ay DemSoc/SocDem, WALANG IISANG IDEOLOHIYANG IBINABANDILA ANG MATANGLAWIN. Nakasaad ito sa tanawin at tunguhin ng pahayagan. "Wala itong ibinabandilang iisang ideolohiya, bagkus ay may pagkiling ito sa mga dukha at iniisantabi ng lipunan." Wala naman akong nakikitang ideyang NatDem sa nasabing pangungusap.
Kung nagkaroon man ng pagkiling sa progresibong pag-iisip ang pahayagan, nitong maga huling taon lamang ito naganap. Noong 1999-2000, nakilala pa nga ang Matanglawin bilang "gay org" sapagkat napakaraming bakla sa patnugutan nito. Noong 2000-2001, naging aktibo ito sa pagkilos laban sa pamahalaang Estrada. Noong 2001-2003, higit na tumapang ang pagsusuri nito sa mga isyu tulad ng Balikatan, kontraktuwalisasyon ng mga manggagawa, at ang pakikidigma ng U.S. sa Iraq. Ngunit ang mga isyung ito'y hindi "exclusive domain" ng mga NatDem lamang. Sa katunayan, maging si Obispo Teodoro Bacani ng Diosesis ng Novaliches ay kinilala ang Matanglawin bilang isang kasangkot ng Simbahan sa pagtutol sa giyera sa Iraq -- patunay lamang ng paggalang na ibinibigay sa pahayagan ng akademya, Simbahan, at mag-aaral.

3) Samakatuwid, bukas ang Matanglawin sa iba't ibang diskurso. Bagaman maraming INDIBIDWAL sa pahayagan ang may pagkiling sa pulitika ng Dulong-Kaliwa, bukas din sila sa diskurso ng iba. Patunay nito ang pagdalo ng Matanglawin sa mga talakayang idinadaos ng Institute of Social Order (SocDem/DemSoc) at Empowering Civic Participation on Governance (Popular Democrats o PopDem).

4) Bilang isang pahayagang mag-aaral, nagsusumikap ipagtanggol ng Matanglawin ang KALAYAAN SA PAMAMAHAYAG. Kalakip nito ang PAGTATAGUYOD NG MGA DEMOKRATIKONG KARAPATAN NG MGA MAG-AARAL, katulad ng pagtuligsa sa mga di-makatwirang pagtataas ng matrikula at iba pang bayarin sa mga pamantasan. Nagsangguni ba ang administrasyon ng Pamantasan sa mga mag-aaral nito ukol sa pagtataas ng matrikula? Saan napupunta ang karagdagang bayarin ng mga mag-aaral? Totoo nga bang 70% ng karagdagang bayaring ito ang napupunta sa dagdag na sahod ng mga manggagawa nito?


Ngunit bakit ba nanggagalaiti ang ibang mga panig tuwing naririnig ang pangalang "Matanglawin"?


1) Kontra-kultura ang Matanglawin, lalo na sa isang pamantasang kilala sa pagiging apatetiko ng mga mag-aaral nito. Sa halip ng pagtalakay sa mga WonderBra at pagdidiyeta (na siyang ginagawa ng TheGUIDON), mga MAKABULUHANG ISYU ang tinatalakay nito, tulad ng kontraktuwalisasyon sa Ateneo at ang pakikibaka ng mga manggagawa ng Pamantasan para sa karagdagang sahod. Wika nga ni Kristo, "Hindi kinikilala ang propeta sa sariling bayan."

2) Taliwas sa sinasabi ni Bb. Ma. Katrina Reyna sa kanyang kolum, sina G. Capistrano, G. Nery, at G. Pante ay hindi lamang tanggap nang tanggap ng anumang doktrinang ibinabato sa kanila ng CEGP. Bagkus, sinusuri nila (at ng ibang mga kasapi ng pahayagan) ang mga sinasabi ng iba't ibang panig, kabilang na rin ang mga doktrina ng Simbahang Katoliko, ang tumatayong "magulang" ng UCSC.

3) Naaasar ang kinatawan ng UCSC sa Matanglawin sapagkat hindi ito otomatikong pumanig sa pag-iisip nila. Bagkus, pinili ng Matanglawin na suriin ang LAHAT NG URI NG DISKURSO, bagay na hindi masasabing ginagawa ng UCSC o TheGUIDON.

4) Ngayong nag-iingay na ang Matanglawin sa Pubroom, kung saan ilang taon rin kami nanatiling tahimik at marhinalisado, sinasabi naman ng TheGUIDON na "Matanglawin is coming on too strong."
Oh, come on. Give us a break. You're just being insecure that the broad masses of the people have found an alternative voice inside an elite university -- and that Ateneans are starting to take notice of things beyond WonderBras and Diet Challenges.


Kung gayon, walang dapat ikatakot sa Matanglawin. Tanging mga reaksyonaryo at mga urong lamang ang natatakot sa diskursong intelektwal. Tanging mga taong ayaw mabuwag ang status quo na mapaniil. Silang ayaw kumilos laban sa sistemang umiiral ay nagkakasala na ring tulad ng pagtataguyod nito.

Nanlulumo ako sa mga pinaggagagawa ng TheGUIDON. Ang tradisyong 74 taong itinayo ng mga bayani katulad nina Emman Lacaba, Edgar Jopson, Ninoy Aquino, at iba pa ay unti-unting tinitibag ng iilang tao sa patnugutan nito.


So sad. Like, really.


Monday, July 23, 2003
09:00 a.m. noong huling na-dagitab si Jonar.
 
Kung bakit hindi kita nasamahan noong Biyernes: para kay Stacey

1) Hindi ko alam na pupunta ka pala rito noong Biyernes. Hindi ko tuloy naayos ang iskedyul ko.
2) Hindi ako maka-reply dahil walang load ang cellphone ko.
3) Kung may load man ang cellphone ko, wala iyon sa akin. Hiniram iyon ni Tatay dahil nanakawan siya ng cellphone noong Huwebes.
4) Pumunta si Tatay sa Baguio noong araw na iyon. Bumalik siya kinabukasan.
5) Noong oras na tinext mo ako, ayon kay Tatay, may meeting dapat kami ng grupo ko sa thesis.
6) Kailangan ko pang umuwi nang maaga dahil walang tao sa bahay at walang susi si Mai-I. Kailangang nasa bahay ako nang alas-tres para may magbubukas ng pinto para kay Mai-I.
7) Eksakto lang ang pera ko para pamasahe pauwi.
8) May misa ang choir nang alas-sais at ako lang ang gitarista dahil may duty ang isang gitarista namin.
9) Kakapanalo lang ng FEU kontra Ateneo. All blue pa man din ang suot ko.
10) Hindi na kasi ako katulad ng dati. Responsableng anak na ako ngayon.

Pero 'di bale na lang. Alam ko namang hindi mo ito babasahin, e. Sana man lang tumawag ka sa landline ko.


Monday, July 23, 2035
08:53 a.m. noong huling na-dagitab si Jonar.
 
UAAP at Meteor Garden

Ika-17 ng Hulyo, 2003
5:59 p.m.

Hindi ako dapat sumusulat ng blog entry ngayon. Nakalaan na ang oras na ito para sa pagsulat ng artikulo tungkol sa absentee voting para sa Matanglawin (tapos na), pagsulat ng tula para sa Matanglawin (tapos na – dati pa maraming nakaimbak sa PC ko), pag-ayos ng room reservations para sa Heights Workshop (umaga pa lang, oks na), paggawa ng pinapa-type ni Tatay na security plan (tapos na rin). Ah, alam ko na – manonood dapat ako ng Meteor Garden. Tamang-tama – pagkatapos ng laro ng Ateneo vs. FEU, good mood ako. Nanamnamin ko ang tamis ng pag-ibig ni San Cai (na kamukha ng isang kaklase ko sa Ateneo) at ni Dao Ming Xu (na sabi ni Kuya Jhay ay kamukha niya – pero sa tingin ko’y hanggang buhok lang talaga).

I’m sorry, but no! Nagkalat si LA. Nawala ang laro ni Wes. Kahit si Bugs, ang pinakamatangkad na taong naging kaklase ko, sinusupalpal ng mga guwardiya. At higit sa lahat, puro taga-FEU Med ang nakatira sa tapat namin. Buwiset.

Ang ganda na sana ng araw ko. Tinapos ko kasi ang lahat ng dapat gawin para lang makapanood ng laro ng Ateneo. Kung mayroon akong isang bagay na ipinagmamalaki sa Ateneo, ang Blue Eagles na siguro iyon. Nandoon ako sa Araneta noong nanalo sila sa Game 3 kontra La Salle. Tumakas pa nga ako sa Lunduyan Journalism Workshop ng CEGP para lang manood ng laro. Kahit wala akong kakilala sa seksyon ko ng Araneta – in-Indian ako ng mga kasama ko dapat – nadama ko ang saya. Pagbalik ko sa Ateneo para sa cultural night, napansin kong pati ang mga kaibigan kong tibak (ti-bak, pangngalan. aktibista, “mindless” ayon sa ilang G-pips) ay nagsisitalon.

At oo nga pala, umalis ang mga taga- LaSallian, Malate, at Ang Pahayagang Plaridel (mga pahayagan ng DLSU) noong hapon para manood ng laro. Hindi na sila bumalik. At nahirangan pa kaming kyut dahil sa bigay na bigay na pagkanta namin sa cultural night.

Fast-forward sa Hulyo 17 ng sumunod na taon. Natalo na nga kami sa UE (given na ‘yun, may James Yap sila, e), tapos natalo ulit kami sa isang kalabang dati-rati’y mina-mani lang namin. Ang ganda na sana ng unang arangkada pagkatapos ng jumpball. Pero ewan ko kung ano’ng nakain ng mga Tamaraw (malamang unleaded fuel) at biglang tumibay ang depensa nila.

It was all FEU from there. Nagkaroon ng mga panaka-nakang run pero laging naroon si Arwind Santos para patayin ang nagbabagang Atenistang apoy. Nang napawi na ang usok, malaki ang lamang ng FEU.

Kaya badtrip na badtrip ako pagkatapos ng laro. Hindi na ako nanood ng Meteor Garden. Well... medyo lang. Nakita ko pa rin naman si Shao You (‘yung kamukha ni Suzy ng tambalang Suzy and Geno) at alam kong may umiikot na underwear thief sa lugar ni San Cai.

Ah, basta. Magpapaka-Shing Ha muna ako. That is, balik muna sa tahimik-na-loser-na-kapalmuks mode.

At least, hanggang Linggo. Kapag nanalo na ang Ateneo laban sa UST.

ONE BIG FIGHT!

Friday, July 18, 2003
11:25 a.m. noong huling na-dagitab si Jonar.
 
Noong Dumalaw Sila - Isang tagpo mula sa nobelang "Nitong mga Huling Araw"

[Nitong mga huling araw, marami akong pinagkakaabalahan. Graduating na kasi kaya maraming inaayos -- thesis, mga project, at iba pa. Dagdag pa rito ang trabaho sa Matanglawin, Heights, at Friends Choir. Kaya pasensya na kung hindi ako nakakapag-update ng blog ko. May pabaon naman ako, e -- isang tagpo mula sa nobelang sinimulan ko noong bakasyon.]


Noong dumalaw sila

nanonood kami ng Princess Sarah sa Channel 2. Iyon na ang episode kung saan nalaman ni Ms. Menchin na lumayas si Sarah at tumungo kina Mr. Crisford, at kung saan nalaman niyang ang dalagitang inaalipusta niya ay tagapagmana ng pinakamalaking minahan ng mga diyamante sa buong daigdig. Kabisado ko na ang kuwento. Ilang beses pa naman pinalabas sa Channel 2 ‘yun noong medyo bata pa ako. Mahihimatay pa nga si gagang Ms. Menchin, e…

NASA gitna na kami ng episode na iyon. Quarter to ten, ‘ika nga sa Ingles. Nandoon na kami sa parteng sinugod ni Ms. Menchin ang kapitbahay. Pero bigla na lang ako tinawag ni Tina.
“Kuya!” sigaw niya. “May tao sa labas!”
Dati, kung sinabing “may tao sa labas”, ibig sabihin niyo’y may taong naghihintay sa labas ng pintuan. Dati kasi, hindi pa nagpapalagay ng bakod si Tatay. Minsan, nag-iiwan kami ng mga bisikleta sa labas ng bahay. Nananakaw tuloy. Kaya noong nakaraang linggo, nagpakabit si Tatay ng gate. Pinapinturahan niya ng Chinese blue para raw maganda sa mata. Naisip ko, kaya lang niya pinapinturahang asul ay dahil halos lahat ng mga gate sa compound namin ay kulay-berde. Gusto niyang maging kakaiba. Tapos, plano pa niyang sulatan ng “House of Peace”. Sabi niya sa akin, tanungin ko sa mga barkada ko kung ano ang “House of Peace” sa wikang Aklanon, dahil tubong-Ibajay, Aklan ang angkan namin pero hindi kami natuto ng wika ng probinsya namin.
Hindi rin ako marunong ng Aklanon. At sa tingin ko’y hindi talaga “House of Peace” ang townhouse namin, dahil kahit kaila’y hindi ako nakapagpahinga nang matino dito.

PAGLABAS ko, binati ako ng isang matandang babaeng naka-palda sa labas ng gate namin.
“Good morning po!” bungad niya.
“Good morning din po,” sagot ko.
“Kanina pa po namin kinakatok ang kapitbahay niyo. Pero parang walang tao.”
“Ganoon ba? Baka may ginagawa lang sila sa loob.”
“Ako nga pala si Mrs. Corazon Seña. Naka-base din kami sa Fairview, mga kasapi kami ng Church of Christ Almighty and Everliving God Fellowship in the Philippines,” sabi niya, sabay pasok ng kamay sa mga puwang sa gate. Hindi ako lumabas sa bakuran, pero nakipagkamayan pa rin ako sa kanya.
“Ako naman si Joey. Seminarista ako. Nagbabakasyon lang ngayon.”


HINDI ko alam kung bakit ko pa kinailangang magsinungaling nang ganoon. Oo nga’t dati ko pa gustong maging pari, pero hindi na talaga puwede. Hindi na ako virgin. Ayaw kong magsinungaling kapag oras na ng final vows ko.
May Hyundai Starex na nakaparada sa likod ng sasakyan namin. Malamang, sasakyan iyon ng mga kausap ko ngayon. Hindi nakapatay ang makina, kaya naisip kong inaaasahan nilang maikli lang ang pag-uusap na ito.
Bagaman nakita ko siyang umiling nang kaunti, naglabas si Mrs. Seña ng maliit na Bibliya mula sa handbag niya. “Alam niyo naman po,” simula niya, “napakaraming calamities ang nagaganap ngayon. May giyera sa Iraq, may SARS. Ngayon lang po sa recorded history nagkaroon ng ganitong mga sakuna.”
Napaisip ako, gago ba siya? Ano ang tawag niya sa World War II? Sa epidemya ng cholera sa Europa? Baka para sa kanya, wala lang ‘yun. Akala ko pa naman, nadaanan niya ang World War II. Sa tanda ba naman ng hitsura niya, e. Mukhang pinatanda lang ng ginagawa niya.
May dumating na babae, mas bata pa siguro ng dalawampung taon, at kapareho ng porma ni Mrs. Seña.
“Oo nga pala, ang kasama ko, si Dorothy.”
“Glad to meet you po,” sabi ng dalaga. “Sino ho ang kausap ninyo ngayon, Sister?”
“Isang seminarista. Nagbabakasyon daw ngayon.”
Nagpatuloy si Mrs. Seña. “Ibig sabihin ho ng lahat ng ito ay nalalapit na ang oras ng paghuhusga.” Nagpakita siya ng mga bersikulo sa Bibliya niya. “At ito’y dahil ang lahat ay kontrolado ni Satanas!”
Biglang may pumasok sa isip ko. “Sandali lang, kukunin ko rin ang Bibliya ko.”


LIMANG minuto ko rin hinalughog ang mga gamit ko sa kuwarto. Una kong nakita ang mga handouts ko sa Teolohiya ng Pagpapalaya. Sunod, isang kopya ng Communist Manifesto. Itinabi ko ang mga iyon.
“Tina! Nakita mo ba ang Bible ko? Nasa gamit ko lang iyon kahapon, a!”
“Hindi po, Kuya!”
Hahalungkatin ko na sana ang gamit ni Utol nang biglang pumasok si Maya, ang bunso namin. Sumisigaw siya ng “Yehey! Princess Sarah! Yehey! Princess Sarah!”. Mukhang umabot na sila sa bahaging nalaman ni Ms. Menchin na tagapagmana pala si Sarah ng pinakamalaking minahan ng diyamante sa buong mundo.
“Maya,” tanong ko, “ginalaw mo ba ang Bible ko? Nandito lang ‘yun sa mga gamit ko, a.”
Tahimik siyang bumaba. Bumaba rin ako. Dumiretso siya sa altar na may litrato ni Nanay.
“Ito, o,” sabi niya, sabay abot ng isang bukbuking kopya ng New American Bible. “Hindi mo kasi ginagalaw.”
Hindi ko raw ginagalaw ang Bibliya ko.
Kung seminarista talaga ako, matagal na siguro ako pinatalsik sa seminaryo.

MULI akong pumunta sa gate. Nakita kong nag-uusap ang matanda at ang kasama niyang dalaga.
Putsa, sayang ang ganda ng Dorothy na ‘yan. Nalulugmok sa simbahan niya. Pero huwag na lang. Baka masunog ako kapag ginalaw ko siya. Nakabukas ang maliit na gate na daanan ng mga tao, pero nandoon pa rin sila sa labas. Inilabas ko ang mga maliliit na Monobloc chair namin, kasama ang maliit na mesang plastik ni Maya. Pinapasok ko sila sa bakuran namin: “Umupo po kayo.”
“Paano niyo po nasabing ang lahat ay pinapatakbo ni Satan?”
“Basahin niyo po ang Daniel 2:44. Ano pong version ang ginagamit niyo?”
“New American Bible. Imprimatur, Nihil Obstat. Naiwan ko ang Revised Standard Version ko sa seminaryo.”
“OK lang, kahit ano’ng version, ginagamit namin.” Nakangiti si Mrs. Seña. Tahimik lang si Dorothy. Mukhang baguhan lang kaya nakikinig sa lahat ng sinasabi ni Mrs. Seña. Puwede ko pa siya iligtas sa freakazoid na kasama niya.
“…the God of heaven will set up a kingdom that shall never be destroyed or delivered up to another people; rather, it shall break in pieces all these kingdoms and put an end to them, and it shall stand forever…”
“Sandali lang po,” singit ni Dorothy. “Ano ngayon ang ibig sabihin ng verse na kakabasa niyo lang?”
Si Mrs. Seña ang sumagot para sa akin: “Lahat po ng bagay sa mundo na pinapatakbo ng tao, malulupig ng Kingdom of God.”
“Mabuti naman kung ganoon,” tango ko. Naririnig ko na ang mga tili nina Maya at Tina sa loob. Mukhang patapos na ang episode ng Princess Sarah, at kasama noon, ang buong serye: “Yehey! Nahimatay si Ms. Menchin!”
Mabuti pa si Sarah Crewe, tapos na ang kuwento. Hindi pa siya ginagambala ng kung sino mang mga mangangaral galing sa ibang planeta. Ako? Heto’t nagsisimula pa lang ang kuwento. Ayaw ko nang patagalin pa.
Nagpatuloy ako. “At paano naman ‘yun mangyayari, ‘yung sinasabi niyong pagtatayo ng Kingdom of God?” Sa puntong iyon, nakita kong napangiti nang bahagya si Mrs. Seña.
“Doon po tayo sa Matthew 24:14.”
“…And this gospel of the kingdom will be preached throughout the world as a witness to all nations, and then the end will come.”
“Gayon nga po ang sinasabi ng Bible, Mister-… mister-… Ano ho ba ulit ang surname ninyo?”
“Solidum.”
“Soller po?
“Solidum.”
“OK. Mr. Solignum-“
‘Naknamputsa naman, o. Kung ‘yung apelyido ko nga, hindi pa nila makuha nang tama, paano pa kaya ang petsa ng katapusan ng mundo?
“Solidum. S-O-L-I-D-U-M.”
“Ah, kapangalan niyo pala ang mga kapitbahay namin sa probinsya,” bida ng dalaga.
“Mr. Solidum,” patuloy ni Mrs. Seña, “ang ibig sabihin po niyo’y malapit nang dumating ang wakas. Malapit na pong pumanaog dito ang Kaharian ng Panginoon.”
Naks. “Pumanaog”. Astig. Malalim ang Tagalog niya. Ano kaya kung gamitan ko siya ng Tagalog na natutuhan ko sa katoto kong taga-Bulacan? “At paano ninyo naman nabanggit na sa mga panahong ito’y papanaog na ang Kaharian ng Diyos? Hindi ba may isa pang kahulugan ang salitang ‘kingdom’ at ito’y ‘pagka-hari’?”
“Pare-pareho lang po iyon.” Napailing lalo si Seña. “Kaya nga po kami naririto upang ipahayag ang Kaharian ng Diyos-”
“At ang pagka-hari Niya sa lahat ng bagay at nilalang,” sabat ko. Ang tagal. Patapos na ang palabas, hindi pa sila lumalayas.
“Narito po kami, inihahayag ang Kaharian at Pagka-hari ng Diyos nang sa gayo’y pumanaog Siya sa lupa. Kami po’y mga alipin niya. Wala tayong ibang maaaring gawin kundi ang maglingkod sa kanya.” Napabuntong-hininga na lang si Mrs. Seña.

HINDI ko alam kung dulot ng init ng araw iyon, o dahil ngayon lang sila nakaharap sa isang seminarista, pero napansin kong tumatagaktak na ang pawis ni Dorothy. Ang pangit pala niya ‘pag pinapawisan. ‘Di siya puwede ilagay sa situwasyong – ahem – alanganin.
Ako naman ang nagpakitang-gilas sa kanila. “Basahin ninyo ang Mabuting Balita ayon kay San Mateo. Ika-dalawampu’t apat na kabanata, ika-dalawampu’t apat na taludtod.” Ibinigay ko sa kanya ang Bibliya ko.
Hindi niya magawang basahin ang berso.
Napangiti ako. “Hindi niyo po ba mahanap ang nasasabing taludtod? Ako na lang ang babasa para sa inyo: ‘False messiahs and false prophets will arise…’”
“Hindi po kami ganoon, sir. Baka kayo ho.”
Putang ina, sa sarili ko pang bahay sinabi iyon! Pero sige lang. I’m cool.
“At papaano ninyo nasabi iyon, aber? Hindi po ako nakikipag-away, bagkus ay bukas ako sa lahat ng uri ng diskurso. Nais ko lamang makatiyak sa mga sinasabi ng iba.”
“Nasaan na nga ba ‘yun, sister?” Kinuha ng dalaga ang Bibliya at naghanap ng bersong makaliligtas sa kanila. Unti-unting kumunot ang mga kilay ko.
“Sandali lang, mga kaibigan. Iinom lang ako sa loob.” Pumasok ako sandali at naabutan si Lavinia (na kilala sa bansag na The Bitch) na humihingi ng tawad kay Sarah. Umakyat ako sa kuwarto at may hinanap, tapos naalala kong naitabi ko pala noong umakyat ako kanina. Nakita ko sa tabi ng isang kahon: mga handout sa Teolohiya ng Pagpapalaya, isang lumang kopya ng Communist Manifesto. May Diyos o walang Diyos? Isip, isip. Relihiyon o rebolusyon? Paano kung puwedeng ipagsabay ang dalawa? Baka ma-culture shock sila sa akin. Bibirahin ko sila agad ng Serve the People. Pero aanhin ko ang Bibliya ko, itatapon ko na lang?
Kinuha ko ang mga handout. Bahala na kung ano ang sasabihin mamaya. Dumiretso ako sa pridyider. Uminom ako ng kaunting tubig. Ayos. Solb na ako.


PAGBALIK ko sa labas, wala pa rin silang nakikitang bersikulong patunay na hindi sila huwad na propeta.
“Ano, may nakita na ba kayo?”
“Naiwan ho namin ang aming reference booklet, sir. Doon po nakalagay ang lahat ng kasagutan sa mga tanong niyo. Kung gusto niyo po’y magpa-schedule kayo ng session sa amin.”
“Ganoon ba? Sayang. Hindi ako sigurado kung magkikita pa tayo. Babalik na ako sa seminaryo sa susunod na linggo.” Sa totoo lang, ayaw ko lang talaga makita muli ang mga pagmumukha nila.
“Sayang nga po. ‘Di bale, may ibibigay na lang kaming regalo sa inyo.” Naglabas si Dorothy ng ilang polyeto at ibinigay sa akin.
“Saan nga pala kayo nag-aaral?” tanong ni Mrs. Seña, na ngayo’y nakahanda nang umalis.
“Sa San Jose. Sa Ateneo.”
“Ganoon po ba? Mabuti nama’t nag-usap tayo, Mr. Solidum. Minsan lang kami makatagpo ng talagang nagtatanong.” Siguro, hindi lang minsan. Ngayon lang.
Tumayo sila. Sinamahan ko sila hanggang sa labas ng gate. Nauna si Mrs. Seña.
Pero bago makalabas si Dorothy, ibinigay ko sa kanya ang mga handout ko. “Basahin mo,” sabi ko. “Hindi talaga ako seminarista. Nagpapanggap lang ako. Alam kong maraming mali sa relihiyon ko, pero hindi iyon nagbibigay ng huwad na pag-asa, hindi tulad ng sa inyo.”
Napatingin na lang siya.
“Walang lugar sa mga aral ninyo ang paglilingkod sa kapwa. Puro na lang wakas ng panahon ang inaatupag ninyo. Pero sinasabi ko sa inyo, walang nakakaalam kung kailan darating ang panahong iyon. Habang narito pa kayo, palayain niyo muna ang sarili ninyo. Makasalanan tayong lahat, pero ang pinakamalaking kasalanan ay ang hindi pagkilala ng Diyos sa loob ng kapwa.”
Kinuha niya ang mga handout ko at naglakad papaalis. Bumusina ang Starex. Pagpasok ko sa gate namin, nakita kong tahimik lang si Dorothy sa loob ng Starex. Nakababa ang ulo. Si Mrs. Seña naman, nire-rev ang makina.
Pumasok ako sa kuwarto, isinilid sa isang kahon ang mga polyetong ibinigay sa akin, at bumalik sa sala. Tapos na ang Princess Sarah. Alas-diyes y kinse na pala. Uminom ulit ako ng tubig mula sa pridyider. Ayos. Solb. Amen.


Wednesday, July 16, 2003
02:19 p.m. noong huling na-dagitab si Jonar.
 
Ang Salitang "Paalam" (para kay Rico)

Noong Linggo, umalis na si Rico patungong U.S. Hindi ko alam kung kailan siya babalik, o kung babalik pa nga siya. Noong nakaraang Sabado, pumunta kami sa despedida niya. Ang dami namin, nag-iinuman, nagsasayawan sa R&B. At maya-maya, iyakan na.

Kinabukasan, medyo may hangover ako. Lagi na lang ako napapaisaip tuwing may hangover ako. Sa pagkakataong iyon, biglang may pumasok sa isip ko: Wala talagang Filipino equivalent ang salitang Ingles na "Goodbye".

Bakit, 'kamo? Ang ibig sabihin ng "goodbye" ay "good riddance", "pagpalain ka nawa", "hindi ako natutuwa na aalis ka, pero kailangang tanggapin". Parang may mawawala talaga. Ang aalis, mahihiwalay sa maiiwan.

Pero ano'ng salita ang ginagamit natin? "Paalam, hanggang sa muli."

Hindi lang simpleng "babayu" ang sinasabi natin dito. Sa salitang "paalam" pa lang ay tigib na ng pag-asa: "Humihingi ako ng pahintulot sa inyo. Aalis lang ako sandali, pero babalik ako. Asahan ninyong babalik ako. At aasahan kong may babalikan ako." Gayun din naman sa panig ng lilisan: "Sige, pinahihintulutan kita. Aasahan ko ang pagbalik mo, at asahan mong may babalikan ka."

Kaya, Rico, bagaman hindi namin ito nasabi sa iyo noong despedida mo, sasabihin ko na ngayon: "Paalam. Hanggang sa muli."

Wednesday, June 27, 2035
09:19 a.m. noong huling na-dagitab si Jonar.
 
Muli, mga tula

Katulad ng pinangako ko sa inyo, heto ang napaka-overdue na kuwento ng mga pinaggagagawa namin sa Batangas. Pero hindi talaga ito kuwento. Puro pagninilay lang.

Enjoy.

Kung bakit hindi ako makasulat ng tula tungkol sa dagat

O kahit man lang tungkol sa bukang-liwayway.
Dahil siguro hindi gaano matingkad
ang mga kulay na sinasalamin sa dagat.
Oo nga’t pula, parang dugong tumatagos
sa sugatang langit, ngunit sugatan din ba ako?
May punyal bang tumutusok sa aking puso?

O kahit isang tula tungkol sa buwan.
Dahil siguro hindi ito bilog
at natatakpan pa ng mga dagim.
Hindi mahugasan ng puti ang itim ng dagat.
Karimlan ang naghahari sa karagatan.
Dilim din ba ang naghahari sa akin?

At bakit hindi tungkol sa mga tala?
Napakarami kong nakikita – higit pa
sa mga tuldok sa langit ng lungsod –
at kumikislap ang bawat isa.V Giniginaw din ba sila sa gitna ng kawalan,
ng karimlan? Liwa-liwanon din ba ang naghihiwalay
sa akin at sa kanila?

At bakit hindi tungkol sa iyo, sinta?
Bakit hindi tungkol sa distansyang naghihiwalay
sa isa’t isa? At bakit bigla ka nakapasok sa gunita?

Marahil, kung narito ka,
titingkad ang pula sa pagsikat ng araw,
magpupumiglas sa mga ulap ang bilog na buwan,
at higit pang liliwanag ang mga tala sa karimlan.

Maaabot natin sila, sinta.

-----o0o----- Noong panahong iyon, medyo nahuhumaling pa ako sa isang makatang mahilig sumulat ng mga tula tungkol sa dagat at tala. Kilala na ninyo siguro siya. Pero ngayon, nawalan na kami ng komunikasyon. Baka natunugan ako. Sayang.

-----o0o-----

Sand Poem # 1


This is the stuff sea-castles are made of:
sand, white and fine, fragile as the next breaking of the waves.
We who build, break down; and willingly destroy
an hour’s worth of toil under an unforgiving sun,
and leave things as they are as we search
for farther, unconquered sands
where waves break hard all the more.

For it is there, we are told,
where sand forms: the interface
of sea and shore, the rendezvous
of coral and coast. Where waves break,
stone is broken down, washed into the open sea,
smashed on distant, sun-baked coasts, and carried back
to where it came from. Only this time,
in a form whiter and finer than before.

No wonder, then, that we walk to the far end
of the shore to gather in plastic pails
sandy souvenirs of a summer’s sojourn.
In the seacoast, perhaps, we are all born,
like the sand washed out of stone,
where waves break against the shore,
whiter and finer we are transformed.

-----o0o-----

Isang gabi sa dalampasigan ng San Juan, Batangas

Napatingin ako sa kanluran:
lumubog na ang araw sa likod ng kabundukan.
Sa silangan naman, sumisikat na ang buwan.
Dahan-dahang pumapanhik,
hanggang tuluyang humulagpos sa mga ulap.
Kahit ang mga bituing hindi ko makita sa langit
ng lungsod, kumukuti-kutitap na rin.

Samantala, isa-isa nang naglalayag
ang mga mamamalakaya ng bayang ito.
Naririnig ko na ang mga motor ng mga bangka nila.
Patungo sila, marahil, sa gitna ng karagatan,
kung saan maraming mahuhuli.
May ilaw sa gitna ng karagatan,
ng karimlan: ang bumbilya ng mga bangka.
Magdamagang mag-aabang ang bayan:
kung may nahuli ba, o wala;
kung naging mapagpala ang gabi, o hindi.

Habang ako’y sa buhangin naluluklok,
sa dalampasiga’y nalulugmok.
Hindi ko maabot ang langit sapagkat
nakaangkla ako sa buhanginan.
Hindi ko magawang lumusong sa tubig sapagkat
takot akong malunod sa karimlan.

Mananatili na lang ako rito, at titingin.
Mag-aabang na lamang
sa kung anong liwanag ang papawi
sa nakalambong na dilim.

-----o0o-----



Wednesday, June 27, 2035
09:08 a.m. noong huling na-dagitab si Jonar.
 
Taghoy (Rewind, Fast-forward)

Pasensya na't ngayon lang ako naka-post ulit. Nagsimula na kasi ang schoolyear. Imagine that, 5 years ago, hindi ko naisip na sasabihin ko sa taong 2003 na "pasukan na naman". Akala ko, gradweyt na ako by March 2003. BS Chemistry pa.

Tapos, hindi pala mangyayari. Bumagsak ako sa Chem, lumipat ako sa MIS, at ngayon, repeater na naman ako (this being the 3rd subject I've repeated, after Accounting and Philo of Religion, no thanks to that Marxist poseur of a teacher). Pa-Pisay-Pisay pa ako, sabi ko kahapon kay Kendra, isa sa mga batchmate ko sa Pisay na ngayo'y magtatapos na ng Physics dito sa Ateneo. Mabuti pa siya, sa ibang dahilan delayed ang graduation: lumipat siya rito from U.P. noong nalaman niyang mas astig ang mga facilities dito. Ako? Dahil sa repeated subjects. Buwisit.

Gayunpaman, aayusin ko na talaga. Ayaw ko nang mag-repeat ulit.

Wednesday, June 27, 2035
08:53 a.m. noong huling na-dagitab si Jonar.
 
Taghoy (Rewind, Fast-forward)

Pasensya na't ngayon lang ako naka-post ulit. Nagsimula na kasi ang schoolyear. Imagine that, 5 years ago, hindi ko naisip na sasabihin ko sa taong 2003 na "pasukan na naman". Akala ko, gradweyt na ako by March 2003. BS Chemistry pa.

Tapos, hindi pala mangyayari. Bumagsak ako sa Chem, lumipat ako sa MIS, at ngayon, repeater na naman ako (this being the 3rd subject I've repeated, after Accounting and Philo of Religion, no thanks to that Marxist poseur of a teacher). Pa-Pisay-Pisay pa ako, sabi ko kahapon kay Kendra, isa sa mga batchmate ko sa Pisay na ngayo'y magtatapos na ng Physics dito sa Ateneo. Mabuti pa siya, sa ibang dahilan delayed ang graduation: lumipat siya rito from U.P. noong nalaman niyang mas astig ang mga facilities dito. Ako? Dahil sa repeated subjects. Buwisit.

Gayunpaman, aayusin ko na talaga. Ayaw ko nang mag-repeat ulit.

Wednesday, June 27, 2035
08:53 a.m. noong huling na-dagitab si Jonar.
 
Dahil fifth year na ako

Bago ang lahat, nais ko munang ipaalam sa inyo na wala pa akong bagong tula, o kahit man lang kuwento, na ipopost ngayon. Naiwan ko kasi sa bahay ang diskette at nakiki-rent lang ako dito sa isang mall. ----------------------------------------------- Kahapon, enrollment namin. Nasanay na ako na mahaba na ang pila kahit alas-sais pa lang ng madaling-araw, kaya napaaga ako ng alis sa bahay. Sa Fairview pa kasi ako nakatira at napakalayo niyon sa Katipunan. Pagdating ko sa AdMU, wala pang nakapila. Halos wala. Kaya umikot-ikot na lang muna ako. Ang una kong napansin ay ang... ano nga ba? Wala naman siguro, para kasing hindi ako lumayo. Kung tutuusin, hindi rin naman talaga ako umalis. May isa pa akong taon sa kolehiyo. Extra nga, pero sa tingin ko, kakayanin ko. Nandiyan naman ang mga barkada ko. Ang Matanglawin. Ang Heights. At hindi pa ako gaanong handa sa mundong labas. Kung ano man iyon. Noong naglalakad ako sa covered walk, may nakita akong listahan. "Hold order" list daw. Ibig sabihin, kung nandoon ang pangalan mo, kailangan mo munang magpa-clear bago mo makuha ang registration form mo. At minsan, alas-nuwebe na nagbubukas ang mga opisina. Nagkataong kasama pala ako doon. Dalawang departments pa. Library at Academic Affairs. Sabi ko sa sarili ko, patay kang bata ka. Basta, hindi ko na pahahabain ang kuwento. All in all, kahit na na-diskaril ang enrollment ko, mabilis pa rin. Less than two hours. Kasama na ang assessment. Pero gusto kong magwala noong nakita ko ang resibo: P18,843 para sa 6 units! Diyos ko po. Kung bakit pa kasi binagsak ko ang subject na iyon last year. Na kukunin ko ulit ngayon. Coming up next week: new poems, an account of my Batangas trip, and some other stuff. 'Nuff said. .>



Friday, June 6, 2003
03:03 p.m. noong huling na-dagitab si Jonar.

 
Mga Una kong Tula sa Ingles, Matapos ang Napakahabang Panahon

Mga ilang buwan na rin ang lumipas simula nang sinulat ko ang huli kong tula sa Ingles, ang "Miriam College Workers' Strike, 13 June 2002" na isinulat ko noong Oktubre 2002. Matapos niyon ay puro na lang Filipino ang sinusulat ko. Siguro dahil Filipino writer ako.

These past few days, wala talaga akong magawa sa bahay. Nagbabasa-basa na lang ako. Mga kung anu-anong libro. At sa isang lumang isyu ng Heights, ang opisyal na lathalaing pampanitikan ng Ateneo, nakita ko ang isa sa mga unang tula niya.


"Wednesday"
Jeanie Nieva

It's instinct I suppose
or habit that lures us
to look upwards at night
and reach towards the stars.

What our hands could not hold,
we reach for with our sight.
Sweeping across
this vast expanse of space,
our eyes follow
the radiant nucleus
where waves of light
undulate towards
a blinding apogee.
Yet like our eyes,
we only grasp fragments
of that mild implosion
and so we come back
each night,
eager for more.

Our intimations of stars
bring us closer to them.
That sometimes I wonder
what would we look up to
after we've reached the stars?

(Heights Vol. LXIX, No. 1, 2001)

Wow, sabi ko. Asteeg. Parang gusto kong gumawa ng tugon dito. At iyon nga ang ginawa ko. Dalawa pa nga, e: isang prose poem, isang . Heto ang una:


"A reply to J., in the form of a prose poem"

Last night I looked out at the skies and saw nothing but clouds and moonlight dissipated and mixed with light from the city in the dark to illumine the horizon with a faint reddish glow. Not that I was searching for anything; there was nothing to search for. What with the red afterglow of the city rendering itself invisible. Nothing to search for, much less find.

Once, you said that it's instinct that makes us look upwards, starward. I suppose I really didn't need a specificity to look for - all I needed to do was to look. And search. Maybe it isn't really instinct that drives us to look at the skies. But if yearning is instinctive, perhaps you're right: right now as I look up, I yearn. Not for the skies to clear up, but for someone to look at the stars with me. Even though the distance between us and the distance between me and the sky be the same.

Tonight I looked up again and saw that the clouds have dissipated and the moon was full but did not drown Orion in its glow: Betelgeuse and Rigel were there, twinkling, or are they shivering at the distance between them?

It is instinct, I suppose, that makes us look at the stars, shivering in the nothingness of space. I'm shivering too, you know, while looking at the dark, at Orion's Belt seemingly pointing to where you most probably are.


Noong pinabasa ko kay Jeanie ang tulang iyon, napa-"awwww..." siya. Ewan ko kung bakit. Dahil siguro sa ending ng tula. Pero mas nagustuhan niya ito:

Untitled

Once, you supposed
that our thoughts of stars
brought us closer to them,
and you wondered
what we'd look up to
or reach out for
when at last we've held them
in our eager, waiting sights.

Sometimes, I wonder too.
All I have to show
for all that wondering
is an awakening that
we shall never live
in darkness again:
there is no such thing as dark
in the presence of stars.
Only the realization
it is infinity we hold
and infinity we are,
brought about by the nearness
of light.

Sabi niya, puwede na raw i-publish sa Heights. Pero kahit hindi matanggap sa Heights ang tulang ito, ayos lang: tumalab naman sa pinag-uukulan, e. At dahil doo'y masaya na ako. 'Di ba, tsong? .>



Friday, May 23, 2003
02:55 p.m. noong huling na-dagitab si Jonar.

 
The problem with this University is that:

1. The students' biggest problem is what to wear on a gimmick... and yet hate being branded apathetic.
2. The student paper publishes an editorial on Philippine activism... and lumps rejectionists, reaffirmists, and SocDems into one uncritical mass. Sad.
3. That same editorial calls activists mindless... and ends up seeming mindless and un-researched itself.
4. The officer-in-charge of the Kagawaran ng Filipino writes more poetry in English than in Filipino.
5. A certain teacher in a Humanities department feels that a single second-place Palanca Award gives one the right to brag about it... and goes on to do so for the remainder of the hour.
6. A certain teacher calls oneself a Marxist... yet doesn't know what "lumpenproletariat" means.
7. We read too much Rilke and too little Brecht.
8. The literary folio brags about spawning a tradition of protest poetry using commonplace everyday words... yet uses New Criticism as its standard.
9. The admin declared a school holiday to celebrate the UAAP championship... yet did not even officially suspend a single class during the height of EDSA Dos.
10. Similarly, students cut class for a lousy elimination game... but stay in school while an anti-war protest rally is being held outside.
11. Students react violently to blind items in the Filipino magazine... yet remain aloof when it reports irregularities in the hiring, contracting, and the firing of the University's non-teaching workers.

- Galing sa isang kaibigang ayaw ibigay ang pangalan. Wala lang. Naaastigan lang kasi ako, e.>



Friday, May 23, 2003
02:50 p.m. noong huling na-dagitab si Jonar.

 
Insulasyon

Alam kong marami akong makakaaway sa blog entry na ito.

Kung tutuusin, napakaraming bagay na puwedeng gawan ng blog entry. Halimbawa, ang pagtatapos ng giyera sa Iraq. Ang sakit na SARS na kumakalat na rin sa Pilipinas. O kahit ang pangdudupang na ginagawa sa akin ng larong tinatawag na "pag-ibig".

Kaya naman nakapagtatakang napili kong sumulat tungkol sa panitikan sa pamantasang pinapasukan ko para sa una kong update sa napakahabang panahon. Pero wala talaga akong magawa - napakarami nang naisulat tungkol sa Iraq at SARS. O kahit tungkol sa pag-ibig. At isa pa, may personal stake ako sa pinag-susulatan ko ngayon, bilang isang manunulat sa isang pamantasang tinaguriang elitista - elitista sa pagpili ng mga mag-aaral, elitista pagdating sa panitikan.

Una rito ang paghirang ng Heights, ang opisyal na lathalaing pampanitikan ng Ateneo, kay Jayson Pilapil Jacobo, isang dating punong patnugot nito, bilang tagapamagitan. Pinalitan diumano ni Jacobo si D.M. Reyes, na nag-leave of absence upang tapusin ang kanyang Ph.D. sa U.P. at sa kasalukuya'y hinirang bilang officer-in-charge ng Kagawaran ng Filipino ng Ateneo.

Ano ang ibig sabihin ng paghirang na ito? Una, kilala si Jacobo sa pagpilit ng sarili niyang kagustuhan. Isang halimbawa ay ang nasaksihan ng ilan sa mga kaibigan ko noong nagdadaos ng deliberasyon ang Filipino staff ng Heights. Isa sa mga tula niya ang tinalakay. Hindi nagustuhan ng mga staffer ang tula niya. Pero dahil nga formalist ang oryentasyon ng Heights, "patay" ang may-akda sa pagbabasa ng tula.

Kilala ko si Jacobo bilang isa sa tagabandila ng pormalismo sa Ateneo. Ngunit noong araw na iyon, tila itinapon niya ang lahat ng teoryang pinag-aralan niya - sinimulan niyang basahin ang tula ayon sa sarili niyang pananaw, ayon sa sariling pamantayan. Kulang na lang na ipangalandakan niya mismo na siya ang sumulat ng tula. Sa huli, natanggap ang tula. Masaya na naman ang loka.

Ikalawa, kilala rin si Jacobo bilang isang gay writer. Hindi ako galit sa mga bakla - kung tutuusin nga'y hangang-hanga ako sa mga akda nina Danton Remoto at J. Neil Garcia - ngunit nagiging problema ang pagiging bakla sa panitikan kung tinitingnan ng isang kritiko ang lahat ng bagay sa pamamagitan ng pink na salamin. Sabi nga sa akin ng isang kaibigan na isa sa mga kasalukuyang kasapi ng Heights, ganito diumano magbasa si Jacobo: "Ay, puno! Bakla ang puno. Ay, ano ito? Unggoy, umaakyat sa puno? Bakla ang unggoy."

Diyos ko po, hindi ako galit sa bakla, pero katulad ng lahat ng uri ng pagbabasa, tulad ng pormalismo at Marxismo, kailangan siguro ng paghuhunos-dili sa paggamit ng gay reading. Muli, inuulit kong hindi ako galit sa mga bakla - wala akong pakialam sa oryentasyong sekswal nila, basta hindi na lamang sila nabubuhay sa kabaklaan nila na para bagang iyon lamang ang may saysay sa mundo.

Lagi ko tuloy naiisip na baka isang uri lang ito ng pagsangga sa mga Atenista mula sa mga pangyayari sa labas. Tingnan lang natin ang halimbawa ng panulaan sa pamantasan. Sabi nga ni Benilda S. Santos sa kanyang tulang Pagmamakata sa Ateneo, lagi na lang puno ng introspeksyon at pag-iisa ang mga tulang Atenista. Sinu-sino ang mga idolo ng Atenistang manunulat? Madalas, si Rainer Maria Rilke. Hindi ko maitatatwang magaling talaga si Rilke. Puno ng introspeksyon at pag-iisa ang mga tula niya. Ngunit - at ito'y isang malaking ngunit - titigil lamang ba tayo sa pag-iisa? Oo nga't tama si Gabriel Marcel noong sinabi niyang sumasakatawang-diwa ang tao, ngunit tila nalimutan ng marami na ang tao ay sumasakasaysayan din. Ibig sabihin nito'y gumagalaw rin siya sa lipunan. At siya ang nagpapagalaw nito. Sa palagay ko, makikita mo ang aspektong ito ng panitikan sa tinatawag na realismong panlipunan. Social realism. Sa panitikang subersibo. Kung itatangging panitikan ang ganitong pag-iisip at mga akda, may problema tayo. Sapagkat bagamat hindi naman ipinangalandakan ng realismong panlipunan ang pagiging progresibo nito, maaaring maging reaksyonaryo naman ang mga nagsasabing hindi karapat-dapat ituring na panitikan ang mga akdang himagsikan ng ilang makata sa Ateneo.

Nasaan ngayon sa panulaang Atenista ang ikalawang bahagi ng tao ayon kay Marcel? Maliban sa ilang makata tulad ni Mikael Co, Edgar Calabia Samar at Alwynn Castillo Javier, tila namatay na ang tradisyong sinimulan ng mga makatang Bagay. Pinalitan ito ng introspeksyon - lamang. Magagaling nga ang mga makatang introspektibo ng Ateneo tulad nina Jacobo at DM. Reyes, ngunit doon lang sila tumitigil. Marahil, isang produkto ng pormalistang tradisyon - buo na ang tula sa kasarinlan nito.

Ngunit sabi nga ni Emman Lacaba, The New Criticism is dead, long live the Newer Criticism. Para kay Lacaba, ang tula ay iisang pulo lamang sa isang napakalaking daigdig ng Sining, at Buhay. Dapat lamang tingnan ang mga akda bilang mga labî ng isang taong buhay o nabuhay, ayon nga kay Chuang Tzu, at kung durugtungan natin ang lohika ni Marcel, pati na rin ng kasaysayan - ng lipunan - na ginagalawan ng manunulat.

Kailangang maging bukas ang panitikan sa ibang uri ng wika. Kailangang maging bukas sa ibang uri ng pangingilatis ang akademya. Kailangang pawiin ang imaheng burgis ng panitikang Atenista. Kung hindi ito gagawin ng mga kagawaran ng panitikan at ng lathalaing pampanitikan, nakatitiyak na may handang gumanap sa papel na ito.

Maaari bang ito na ang simulain ng isang bagong kritisismong Pilipino? Hindi natin agad masasabi. Kailangan munang matanggap sa akademya ang ganitong pag-iisip. At habang ang mga binabasa natin ay ang mga tula ni Rilke lamang, hindi tayo uusad. Habang hindi tayo natututo magbasa ng mga akda ni Brecht, masasadlak tayo sa burak.



Friday, May 23, 2003
02:46 p.m. noong huling na-dagitab si Jonar.
 
Tungkol sa mga bansag

Putsa, nabansagan pa man din akong MIS major.

Halos sampung taon na rin ang lumipas pagkatapos bumili si Nanay ng una kong PC. Kung tutuusin, hindi para sa personal use ko iyon, kundi para sa sinusulat niyang libro. Doon ako natuto gumamit ng WordStar at Lotus 1-2-3 at kumalikot sa MS-DOS, at doon din ako nahumaling sa Digger at Junior Jeopardy. Pagkatapos niya ng libro, aking-akin na ang PC. Pero hindi nagtagal at wala na rin sa uso ang mga 286 IBM PC AT clone at MS-DOS 3.3; dumating na ang panahon ng Windows 3.1 at ng mga 386. Pagpasok ko sa Pisay ay napilitan akong makiuso. 'Yun nga lang, biglang lumabas ang Windows 95, at nalaos agad ang aking 486. Nagsisulputan ang mga Pentium. Akala ko pa naman, astig na ako.

Kaya hindi ko agad naisip na mapapadpad ako sa MIS. Una, suyang-suya na ako sa kompyuter. Noong 2nd year ako, napasama ako sa mga team na ipinapadala ng Pisay sa mga programming competition sa labas. Medyo magaling ako sa Pascal noon, at tinatalo ko ang mga 4th year ng ibang eskuwela. Noong 3rd year ako sa Pisay, magkasunod ang CompSci class ko at ang elective kong MicroProcessing. Aircon nga, pero nakakasawa. Katulad nga ng sinabi ng roommate ko sa dormitoryo, parang ob-gyne ang pakiramdam. Araw-araw, puro ari ng babae ang tinitingnan mo, pero hindi mo puwedeng kalikutin. Katulad ng mga kompyuter sa Pisay. Magaganda nga, pero hindi ko naman puwedeng baguhin ayon sa ispesipikasyon ko. Noong mga panahong iyo'y nagsimula na ring magpakita ng obsolescense ang PC ko. Hindi ko na rin magamit. At dahil nga dormer ako, hindi ko rin magawa ang mga proyekto ko doon. Typewriter lang ang ginagamit namin. Salit-salitan. Kung mapalad kami, doon kami nagta-type sa laptop ng kaibigan ko. Noong 4th year na ako, pinipilit ako ng dati kong kasama sa programming team (na itatago natin sa pangalang "Boy Unggoy") na sumali sa research project niya. Puro programming ang ginawa namin - o siya lang yata ang gumawa ng lahat. Paedit-edit na lang ako ng mga pinapasa naming papel. Magaling siya sa programming (kulelat na ako noon) at magaling ako sa Ingles (olats pa rin siya hanggang ngayon). Hanggang umabot sa puntong nagkakaasaran na kami noong umalis siya sa science fair exhibit namin para maglaro ng volleyball. Hindi tuloy ako nakalaro noong yinaya ako ng mga barkada ko na magbasketbol. Gayunpaman, nanalo kami ng fourth prize sa science fair. Na-impress daw si Ms. Docto, ang puno ng Science Research Unit. Hindi ko alam kung bakit. Contrary to what Boy Unggoy said to the judges, hindi kami kumonsulta sa mga buwakananginang foreign experts. Oo nga't nag-email kami sa mga dalubhasa sa Carnegie-Mellon at National University of Singapore, pero ang lagi naming nakukuhang sagot ay "I'm sorry but combinatorics isn't exactly my field of interest." At isa pa, simpleng comparative study lang ang ginawa namin. Pabilisan ng mga permutation-generating algorithms, na kung tutuusin ay puwedeng ituring na child's play ng kung sino mang CS major sa AMA ngayon. Kinuha ni Boy Unggoy ang premyong one thousand pesos. Pambawi raw sa lahat ng gastos niya. Hindi niya alam kung magkano ang ginastos ko sa pagta-type ng papel na iyon.

Noong malapit nang mamatay ang nanay ko, nandoon ako sa Philcoa, nagta-type ng final paper namin. Noong nakita ni Boy Unggoy ang kinalabasan, sinabi niya, "Ano namang kalokohan ito?" Hindi man lang niya naisip na wala akong maintindihan sa kabulsyetang pinarepaso niya sa akin. Puro gut feel na lang ang ginamit ko para tumino-tino naman ang dating ng papel namin.

Matapos noon, sinumpa ko sa sarili ko na kapag may kotse na ako, gaya ng pinangako sa akin ni Tatay noong nag-exam ako sa Ateneo, hahantingin ko si Boy Unggoy sa Peyups - at sasagasaan ko siya. Aatrasan pa para siguradong dedbol siya.

Noong alumni homecoming namin noong 1999, nilapitan niya ako. "Jonar, nandoon kay Ms. Docto ang prize money. Hindi ko ginalaw. Iyong-iyo na."

Tiningnan ko siya nang masama. "Pare, may prinsipyo ako. Hindi tulad mong handang mambulsyet ng tao para lang manalo. I disowned the project the moment it won fourth prize. Sa iyo na ang pera. Hindi ko kailangan ang pera mo."

Ang yabang ba? Medyo. Sigurado kasi ako noong hindi na ako babalik sa daigdig ng I.T. 'Yun nga lang, hindi ko alam na matatanggal ako sa Chemistry.

Nanggagalaiti ang erpat ko noong nakita niya ang mga grado ko. 9 units ang bagsak ko. Calculus at Qualitative Analysis. Sabi niya, maghanap ako ng bagong kursong puwede kong tapusin sa loob ng tatlong taon. Sabi ko, lilipat ako sa MIS. Balita ko, madali lang daw doon. At science course din, kaya hindi ako kakasuhan ng Pisay (para ba namang may kinakasuhan talaga sila).

Nagkamali na naman ako.

Noong unang araw ko sa bago kong block, napansin ko na kakaiba ang atmosphere. Kung sa Chem ay puro iskolar ang kaklase ko, sa MIS naman ay puro konyo. 'Yung mga tipong kasapi ng Youth for Christ pero naglalandian din sa tambayan nila. Naramdaman ko na ang kaplastikan. Dalawang taon din silang magkakasama, at nakita kong sarado na ang circle nila. Mas marami pa akong naging kaibigan sa track-and-field team kaysa MIS block ko.

Unti-unti na rin akong nagsawa sa programming. Noong una ay maayos pa ang grade ko sa Java: B. Sunod, naging C+ naman. Oks pa rin. Tapos biglang bumaba sa D, noong Computer Architecture class namin. Bumagsak din ako sa Accounting. Inulit ko. Muntik akong masipa sa Ateneo. Eksakto lang ang average ko.

Tapos, noong nakaraang taon naman ay bumagsak ako sa Project Management. Basta, bigla na lamang ako nawala sa klase. Ang dami ko tuloy na-miss na papel. Hindi ako tuloy grumadweyt. Sabi ng mga kaibigan ko, pasulat-sulat nga ako ng tula, pero wala naman daw akong maipakita sa erpat ko. Gawin ko raw diploma ang mga tula ko, sabi ng kaibigan kong si Mikael habang kina-cramming ang final paper niya sa Waste Management class niya.

Matagal-tagal ko na ring pinag-isipan ang gusto kong mangyari sa buhay. Hindi ako pakukulong sa isang cubicle, sasagot ng "Yes sir" sa bawat kumag na mas malaki ang mesa. Hindi ako magpapatirapa sa mga multinasyonal. Hindi ako luluhod sa mga dayuhan. Hindi ako…

A, basta. Magtuturo ako, sabi ko sa sarili ko. Kukuha ako ng M.A. sa History kapag natapos ko na ang BS MIS ko, at doon magsisimula ang academic afterlife ko.

***

May nakita akong advertisment sa diyaryo kahapon. Number one computer school raw ang AMA, ayon sa isang survey na ginawa ng Social Weather Stations. Ano ba ang pamantayan ng SWS? Sabi nila, pinakasikat daw ang AMA. Talo pa ang Peyups. Ang Uste. Ang La Salle. At siyempre, ang Alma Mater ko. Mura raw kasi, at sureball na makakakuha ng trabaho pagkagradweyt. Magaganda pa ang facilities.

E ano ngayon? Hindi naman talaga computer school ang Ateneo, e. O kahit ano sa mga nabanggit kong pamantasan kanina. Wala sa kanila ang maituturing na IT university. Pero huwag ka - maganda ang mga IT program ng Ateneo. Putsa, ako ba naman, isang Pisay graduate, pinahirapan nila! ('Yabang ba? Ü)

At isa pa, hindi lang pagkalikot ng kompyuter ang tinuturo sa amin. Tinuturuan kaming bumasa ng tula. Tinuturuan kami ng pagsusulat. Ng pamimilosopiya. Na ang tao ay hindi ginawa upang patakbuhin lamang ng mga makina. Na hindi lahat ng bagay ay magagawa ng teknolohiya. Na hindi dapat sumunod lagi sa gusto ng Kanluran. Tinuturuan kaming mag-isip sa isang paraang hindi nakakakahon sa sarili.

At sa aming kampus sa Katipunan, makapag-iisip ka. Mapagmumuni-munihan mo ang iyong sarili. Oo, may lugar para sa pagtutuklas ng sarili sa Loyola Heights. Sa pagsasarili. Doon, tinuturo na kami'y mga malayang nilalang. Nilikha ngunit kamanlikha naman ng Lumikha ng lahat.

Hindi ito maituturing na kaburgisan. Hangad ko lang ang ganap na pagkakakilanlan sa tao bilang tao, at hindi bilang isang nilalang na ang pinakamatayog na pangarap ay maging isang "cybercafe owner". Kung gusto mong mabuhay nang hindi puwedeng mahiwalay sa kompyuter, ayos lang sa akin. Basta ako, kayang-kaya kong tumungo sa mga looban ng Sangandaan, o di kaya'y sa mga bundok ng Gabaldon, kung saan walang kompyuter. At kung tutuusin, walang magagawa ang robotics sa mga lugar na iyon. Ang tunay na kailangan nila ay ang isang pagbabago sa sistemang naghuhubog sa mga computer programmer para ipadala sa Amerika, habang pinababayaan ang mga tunay na pangangailangan ng taumbayan.

Ito na nga siguro ang pinaka-natutuhan ko sa Ateneo. Higit pa sa mga javascript, higit pa sa normalization ng mga entities, higit pa sa anupamang pakshet na tinuturo sa mga CS classes ko.



Friday, May 23, 2003
02:41 p.m. noong huling na-dagitab si Jonar.
 
Mga Bagong Tula

"Poster na nakapaskil sa isang KTV bar sa tapat ng Sandiganbayan"

1

Wanted: Waitress
(Wanted: GRO)

Willing to work overtime
(Pagkatapos ng sayaw, handang magpa-bar fine)

With pleasant personality
(Hindi takot sa titi)

At least 5'4" in height
(Tama lang ang tangkad para pagluhod, swak sa bibig ang burat)

Trustworthy
(Kapag nabuntis, hindi babalikan ang ama ng bata)

Apply personally inside
(Magpakangkang muna sa may-ari ng bar)

2

Hindi ko magawang magtaka kung bakit
napakaraming KTV bar dito sa harap ng Sandiganbayan,
kung saan dumadaan ang dyip na sinasakyan
araw-araw. Hindi nakapagtatakang sa tabi ng
bagong-sementong kalye'y madaming sinasabing
madumi ang budhi gabi-gabi. Hindi nakapagtatakang
hindi sa liblib na lugar naluluklok ang mga bar na ito:

wala nang ibang kailangan
kundi kama, kondom, kakantutan, isandaang pisong beer,
isanlibong pambayad sa apartelle diyan sa tabi-tabi.

Kung tutuusin, wala na ring ibang magagawa;
anumang pasikot-sikot na eskinita sa harap ng
Sandiganbayan ay giniba na. Pero merong hindi mawawala;
oo, merong hindi mawawala: ang tawag ng laman
ang magtutulak sa giniginaw at naghahanap ng pambili ng bahaw
upang magtagpo.

3

Minsan, inanyayahan ako ng kaibigan
sa big night ng ka-teybol niya sa KTV bar na ito.
Pagpasok ko, bumati sa akin ang poste sa gitna
pati na rin ang guwardiya sa bukana. May dancer po kami sa loob,
sabi niya. Tumango lang ako. Kung may puwede man,
syurbol akong olats siya. Kaya wala siya sa palabas.

Kaya tumango lang ako. Gago ba ako?
Magpapakuntento lang ba ako
sa kung sinu-sinong ayaw man ipakita sa madla?
Ulol ba siya?
Kaya tumango lang ako
habang pinapanood ang mga nagsisisayawan sa harap.
Kumukislap. (Hindi ang mga ilaw ang tinutukoy ko, tukmol.)
Maingay. (Hindi ang tugtog ang tinutukoy ko, tungaw.)

Ano pa nga ba? Alindog na tumatalbog sa indayog ng tugtog
nagpapa-dyog-dyog-dyog sa liwanag ng ilaw sa tuktok ng poste,
oo, sa tamod na lumalabas sa dambuhalang titi.
Ini-imagine ko na lang ang mga ungol ng nasa gitna, si number 20,
mamaya, kapag nasa apartelle na kami. Maingay. Masikip
4

katulad ng pasikot-sikot na eskinita na kinatatayuan ng bar na ito dati,
bago dumating ang mga MMDA at road-widening nila kuno,
na ginawang hintayan ng sasakyan lamang. Hindi nila alam
na wala ring makakadaan sa sikip dulot ng mga nag-aabang.
Gumawa lang sila ng sementadong hintayan ng sasakyan.

E 'di ba may underpass na ginawa, para makadaan
ang kumakaliwa sa Sandiganbayan?

Walang nakikinabang, mga isa-dalawa-tatlong kotseng may wang-wang
galing sa Batasan lang. Si Congressman. Nasa ilalim ng lupa. Sana'y gumuho
ang underpass at matahimik na ang mga kaluluwa sa mga bahay na giniba niya.
Siya nawa. Siya na nga. Siyang tumatawid sa ilalim ng kalsada.
Siyang dahilan ng hindi pag-usad ng trapik dito sa Sandiganbayan.

5

Minsan, naligaw ako sa mga pasikot-sikot ni number 20, 'yung nailabas ko sa bar. Ako yata ang nakauna sa kanya. Madugo. Makirot. Aray! Masakit, dahan-dahan lang. Huwag kang maingay, 'tang ina ka! O, kumanta ka muna! Sabay tapat kay Manoy sa bunganga niya. Isinubo niya. Napasubo siya. Kapit-tuko. Kapit sa patalim.

Ako'y nakakita ng isang lapis. Isang lapis na kay tulis-tulis. Hindi pala lapis, titi ni Rez Cortez, hindi pala lapis na kay tulis-tulis. Kung hindi nila giniba ang mga eskinita sa tapat ng Sandiganbayan, gagalugarin ko ba ang mga pasikot-sikot niya katulad ng pasikot-sikot na eskinita bago dumating ang mga MMDA at road-widening nila kuno?


"Ang amoy ng tsiko"
ang lagi raw nilang naaamoy sa akin pagdating ko sa bahay, mga alas-dos o alas-tres pasado. E sa nagkayayaan, ano'ng magagawa ko? Ayaw ko naman mabulok dito sa seldang tinatawag kong kuwarto na parang tsikong hindi mabili-bili dahil naroon iyon sa pinaka-ilalim ng tumpok. Ang tumpok ng mangilan-ngilan ding tsikong amoy-tsiko, hugis-tsiko, at sigurado akong nabubulok rin tulad ko.

Tuwing umuuwi si erpats sa bahay, amoy-tsiko rin siya, pero bakit hindi nila siya sinasabihan nang ganoon? Kung tutuusin, mas amoy-tsiko pa siya sa akin. Nanunuot sa mga t-shirt na hinubad niya't nilalabhan ko kinabukasan, kapag nawala na ang sarili kong amoy-tsiko. Mga tanghali siguro ako maglalaba, pagkagising, para makabawi sa pag-uwi ng alas-dos o alas-tres pasado. E bakit itong si erpats, nagagawa niyang gumising nang maaga, maligo, at magwala kapag nakita niyang wala pang nalalabhan sa mga t-shirt niya? Siguro, naaamoy niya ang sarili niya, hindi tulad ko. Hindi tulad ni kuya na sinasabing wala pa siyang tama, hahablutin ang susi ng sasakyan, at itatakas iyon at ibabangga sa kotse ng kapitbahay.

Kaya siguro nagagawa ni erpats na gumising nang maaga. Para makakuha ng pambayad sa binangga ni kuya. Si kuya, amoy-tsiko; si erpats, nakaligo; ako, tulog pa't naghihintay ng tanghali para mawala ang tama't amoy ko. Nang malabhan ko ang t-shirt ni erpats para hindi siya magwala kinabukasan. Nang makita ko ang sasakyang iniwan na lang niya dahil yupi-yupi ang harapan. Putsa, kuwarto ang tawag ko sa seldang ito. Seldang puno ng amoy ng tsiko. Hindi maglalaho.

Lalabas ulit ako mamaya, at magkakayayaan na naman, at sasama ako dahil ayaw ko nang mabulok sa ilalim ng tumpok ng mga tsiko sa bahay. At bukas, mga alas-dos o alas-tres pasado, pag-uwi ko, sasabihan nila akong amoy-tsiko na naman ako, at sasagot ako: 'tang ina, pare-pareho tayong tsikong bulok.


"Ngayong Tag-araw"

Tila tanghali na
ang alas-sais y medya
ngayong mga araw na ito.
Wala na ang ginaw
na dulot ng Disyembre:
ganitong oras pa lang
ay hinahalikan na ako ng araw.
Pinupukaw ako ng init.
Tinatawag ako ng ingay sa labas.
Inaaanyayahan akong
tumayo, lumabas, makihalo;
makibaka sa buhay
sa labas ng bahay.

Tatayo rin ako,
pero maya-maya pa siguro.
Hihiga pa ako nang sandali -
gising nga ang mga mata ko,
pero hindi pa ang katawan ko.
Alas-sais y medya pa lang naman,
huwag magmadali sa paggising:
nilalansi lang ako
ng liwanag na ito.



Sa mga gustong makakuha ng kopya ng kalipunan ng aking mga tula at maiikling kuwento (hindi kasi magkasya sa blog na ito ang lahat ng mga nasusulat ko), mangyari lamang na magpadala ng koreo-de-kuryente sa dagitab@iateneo.com o 'di kaya'y magpadala ng mensahe sa (63917) 9621354.



Friday, May 23, 2003
02:30 p.m. noong huling na-dagitab si Jonar.

 


Sa wakas, makakalabas na rin ako ng Maynila. Ganito kasi 'yun. May outing ang Friends Choir (si Rico, kasama ko sa choir na 'yun) at sa unang pagkakataon sa loob ng tatlong taon, pinayagan na rin ako ni erpat. Sa Batangas kami pupunta. San Juan, Batangas. Wala raw signal doon. Kaya habang hindi pa kami umuuwi (sa Linggo pa ang balik namin), mag-iiwan muna ako ng mga "advance" pagbubulay-bulay. Oki-doks? Read on. b.t.w. Bagaman maganda ang design na ginawa ni Rico sa blog ko, babaguhan ko pa ito. Thanks anyway, tsong. Ü

Friday, May 23, 2003
02:26 p.m. noong huling na-dagitab si Jonar.
 
Ang Bagyo

Heto na, heto na, heto na!
Ang ulap ang ulan ang baha ang bangkay
ang lamay ang kape ang libing ang dilim:
Palapit ang patak ng ulang nagmula sa kanluran
at dala ang lupit ng kulimlim.
Humahagupit ang hampas ng hanging kay bagsik
at walang palalampasin:
Ang payong ang dalangin ang boses ang hiyaw
ang bubong ng barong-barong ay lahat tatangayin.

Ang kidlat ay tumama at ang kuryente’y nawala.
Naputol ang sanga’t nahablot ang kawad ng Meralco,
dumagdag sa peligro ng butas at bubog ang sagitsit
ng ligaw na dagitab at ihi ng daga:
delikado ang dukhang lumulusong nang walang suot na bota.

Sa putik sa burak sa dilim sa libing
lahat mapupunta't mababasa:
silang mga biktima ng impyernong
langit din ang may gawa.

Unti-unti nang patila ang delubyo
palayo nang palayo na rin sa wakas ang ulap
na nagdulot ng ulan ng baha ng bangkay
ng lamay ng kape ng libing ng dilim.



Thursday, February 20, 2003
08:13 p.m. noong huling na-dagitab si Jonar.